Paalala lang ang nangyari sa ibang kabataan na nakakalimutan minsan ang paalaala ng magulang. Akala lang kasi ng ibang teenager, kontrabida sa buhay nila ang magulang.
Pero siyempre hindi rin natin puwedeng sisihin si Vandolph sa nangyari dahil masunurin naman siyang anak kung tutuusin. Nagkataon lang na mangyari ang nasabing aksidente, ang pamangkin niyang si Boy II Quizon ang nakakaalam ng kanyang pupuntahan.
Si Nida Blanca na alam ng lahat na walang kaaway ay walang-awang pinatay. Si Vandolph, grabe ang aksidente. Tapos ito nang si Maria Teresa Carlson na nagpakamatay.
Bakit ba mga artista ang laging biktima ng ganitong pangyayari? Kaya tuloy yung ibang manghuhula ay walang ginawa kundi mag-claim na nahulaan niya na ganito ang mangyayari kay ganito at ganoon ang mangyayari kay ganoon.
Ang imbestigasyon kay Nida ay nagiging masalimuot. Hindi mo na alam kung sino ang paniniwalaan mo at kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo.
Noong una, maraming nakumbinsi si Phillip Medel sa kanyang sinasabi na siya ang kinuha para patayin si Nida. Pero biglang nagbago ang kanyang testimonya. Bigla niyang nilinis ang pangalan ni Rod Strunk na una niyang sinabi na mastermind sa walang awang pagpatay kay Nida.
Ang nangyari namang pagpapakamatay ni Teresa ay malaking katanungan kung bakit siya nagpakamatay. Sino nga namang tao ang tatalon sa 23rd floor ng isang building kung wala siyang matinding problema?
Sana nga ay magkaroon din ng imbestigasyon sa pagpapakamatay ni Teresa. Si Teresa na sana ang huli sa sunud-sunod na trahedya sa showbiz.
Ilang beses bang sasabihin ni Pops na wala siyang kinalaman sa paghihiwalay nila Nikki at Troy. Kasalanan ba niya kung maghiwalay ang dalawa.
Masama rin bang makitang magkasama si Troy at Pops kung saka-sakali?
Tigilan na natin ang pagtatagni-tagni ng kuwento na ang biktima ay taong walang kaalam-alam sa mga pangyayari.
Pero ano naman tong narinig ko na type ni TJ Manotoc si Pops Fernandez? Kunsabagay walang masama. Narinig ko na sinabi ni TJ na wala siyang commitment sa kasalukuyan at ganoon din si Pops.
Walang masama di ba, pareho silang free?
By the way, isa si TJ sa producer ng concert series ni Pops sa January sa Onstage.
Kasama ni TJ bilang producer ng Arian Works si Noli Eala.
May nagsabi sa akin na nagrereklamo si Eula dahil hindi na nga gaanong malaki ang talent fee niya, gusto pang bawasan kaya umalma raw ang magaling na aktres. Pakiramdam daw ni Eula kalabisan na ang ginagawa sa kanya samantalang kung tutuusin ay malaki ang naitulong niya para umangat ang Pangako Sa Yo.
Pero siguro hindi dapat magpadalus- dalos si Eula dahil kung tutuusin ay malaki rin ang naitulong ng programa sa career niya. Di ba ngat nanalo pa siyang Best Actress sa Star Awards for TV para sa Pangako Sa Yo?
Siguro ginagawa lang ito ng pamunuan ng ABS-CBN dahil sa krisis pang-ekonomiya. Mas mabuti pa nga yung ganyan kesa naman magtanggal ng tao, di ba?