Kopya ang 'Mel & Jay ' sa isang Kris Aquino Show

Last Sunday ay sinubukan naming manood ng Mel & Jay. Commercial break pa kasi ng Sharon kung saan si Robin Padilla naman ang guest. Ang topic sa Mel & Jay ay tungkol sa mga Fil-Am na nasa showbiz na ngayon. Hindi kami pamilyar sa ibang guests ng programa except Melissa Martinez, Nancy Castiliogne at Cody Moreno, the rest ay hindi na namin kilala. Napansin lang namin na ang nasabing topic ay minsan nang naging episode ng Today With Kris Aquino. Nairita kami dahil kopyang-kopya sa TWKA ang nasabing episode ng Mel & Jay. Pati ‘yung tongue-twister ay ginaya rin. Even ‘yung mga Pinoy dish na hindi kayang kainin ng mga guests ay kopya rin.

Wala na bang ibang maisip ang writers ng Mel & Jay at kailangan na nilang mangopya ng concept? Aba, claim nang claim ang GMA 7 na sila ang nagpapauso ng concept sa TV, ‘yun pala sila itong nangongopya! Kunsabagay, wala namang puwedeng mag-claim ng exclusivity ng concept dahil hindi ito konsepto ng iisang tao.

Dahil sa kabuwisitan namin, ibinalik namin ang panonood sa Sharon only to find out na maiiyak kami sa isang segment kung saan kausap ni Robin ang mga anak niya at asawang si Liezel na naninirahan na sa Australia. Grabe ang pagka-miss ng mga bata kay Robin.

Nagsalita naman si Liezel ng, "Alam naming pagod na pagod ka na sa kakatrabaho. I know in time, magkakasama rin tayo." To which Robin replied na "See you in December". Mismong si Sharon ay hindi napigilang maluha habang pinakikinggan ang mga anak ng co-star sa pelikulang Pagdating Ng Panahon under Viva Films.
*****
Umaasa kami na maayos na ang problema ng kaibigan naming si Sherilyn Reyes. Personal ang dahilan kung bakit malapit ang puso namin kay Sherilyn. Mula pa noong nakilala namin ang aktres ay hindi namin siya nakitaan ng pagbabago. She has remained the person that she is up to now. Siya na yata ang pinaka-warm at pinaka-sincere na artistang nakilala namin. Dahil sa ipinakitang sinseridad sa amin ni Shey (as she is fondly called in showbiz), natural na mabuo ang isang pagkakaibigan. Dumaan ang taon na naging bahagi kami ng masasaya at malungkot na pangyayari sa buhay ng TV host.

Sa katunayan, isa siya sa mga ninang ng anak-anakan naming si Emmanuel John Salut. Hindi siya nagkukulang ng pangungumusta sa aming anak. Ganoon din ako sa anak niyang si Paoui. Kahit ang mga pangyayari sa buhay namin, whether masaya o malungkot ay laging nariyan si Shey.

Ngayon na ang kaibigan naman namin ang nahaharap sa isang problema (her marriage with Jun Jun Santiago is shaky), gusto naming ipaalam kay Shey na hindi siya nawawala sa aming mga dasal na nawa’y maging tahimik na ang buhay niya. Sana ay hindi magsawa ang Panginoon sa pagbibigay sa kanya ng lakas ng loob. Dadagdagan namin ang aming dasal para sa minamahal naming kaibigan.

Lakasan mo pa ang loob mo at ang kapit sa Panginoon, Sherilyn.
*****
Parang bombang sumabog ang pag-amin ni Phillip Medel na siya ang pumatay kay Nida Blanca at si Rod Lauren Strunk ang mastermind dito. Marami ang naniniwala na posibleng si Rod nga ang utak sa pagpatay kay Nida. Iba’t iba ang nakuha naming reaksyon nang sumabog ang balita.

Kung totoong si Rod nga ang nagpapatay kay Nida, mas makabubuting aminin na niya ang kanyang kasalanan. Ito ay para na rin sa ikatatahimik ng kaluluwa ng aktres at ng pamilya nito. At para wala na ring madamay pang ibang inosenteng tao.

Dapat nga ay bilisan ng kapulisan ang kanilang kilos para mapadali ang pagresolba ng kaso. Hinihintay namin ang mga statements ni Rod kung aminin man niya ang krimen. Ano kaya ang nagbunsod sa kanya para gawin ‘yun sa pinagpipitaganan naming aktres?

Show comments