Freestyle at MPO, sa isang musical fashion concert

Napaka-bongga naman ng grupong Freestyle. Kailan lamang sila napanood sa Araneta Coliseum pero, eto na naman sila at bumabalik sa nasabing lugar para sa isa na namang major concert and this time, makakasama nila ang 85-piece Manila Philharmonic Orchestra (MPO) at ang divas-in-the-making na sina Anna Fegi at Bituin Escalante.

Ang napaka-laking konsyerto na pinamagatang Symphony In F ay isang bahagi lamang ng pagdiriwang para sa ikatlong anibersaryo ng Mossimo, isang popular na clothing brand, sa pakikipagtulungan ng Renaissance Entertainment Corporation.

Ang konsyerto ay naglalayong mapagsama ang classy sound ng MPO at ang popular na tunog ng Freestyle gaya ng "Bakit Ngayon Ka Lang", "Before I Let You Go" at "This Time".

Maririnig din sa show ang mga movie themes ng Mission Impossible at Live And Let Die, ang mga well-loved standards na "If You Leave Me Now", "Just As Long As We Have Love", ilang acoustic hits tulad ng "More Than You’ll Ever Know", "Get Here" and "So Slow" at ang Girl Power medley ng "I’m Every Woman" at "It’s Raining Men".

At dahil ang Symphony In F ay isang pop concert, makakabilang din sa repertoire ang ilang major pop hits na "Real Thing", "Through The Fire", "Power Of Two", "Tattooed On My Mind", "What You Won’t Do", Bootylicious", "Iris", "Superman", "Spell", "Survivor", "Do You Believe In Me", "All Night All Right" at "Ride With Me". Ang lahat ay gagawan ng classical symphonic arrangements.

Para mas lalong mapaganda ang palabas, magkakaroon ng isang mini fashion show na opisyal na maglulunsad ng Mossimo new eyewear line, ang Mossimo Vision.

Ang fashion show ay magkakaroon ng Hollywood theme na kung saan ay gagayahin ng mga modelo ang mga Hollywood icons na sina Madonna, Mariah Carey, Puff Daddy at ang boy band na N’Sync.

Ang Symphony In F ay ididirek para sa TV ni Rowell Santiago kasama si Rodel Colmenar bilang musical director. Si Robbie Carmona ang magdidirek ng mini fashion show.

Tickets are priced at P1400, P950, P600, P400 at P150.
*****
Hindi apektado ng kasalukuyang slump sa movie industry ang bold star na si Ynez Veneracion. Kahit hindi siya nakakagawa ng maraming pelikula, marami naman siyang singing invitations. Mas madaragdagan pa ito ngayong inilabas na ng Dyna Music ang kanyang self-titled debut album.

Marami ang interesado na malaman kung bakit nag-bold pa siya gayong marunong naman pala siyang kumanta. Sana raw ay nagtuluy-tuloy na siya agad sa pagkanta. Di pa sana siya naintriga na tulad nang nangyari sa kanya sa isang programa sa TV.

"Nakalimutan ko na yun. Kung gusto kong makapagsimulang muli ng maganda, dapat ay inaalis ko na lahat ng sama ng loob ko sa dibdib. Ipinagpasa-Diyos ko na lang ang lahat," sabi niya during the album launching na ginanap recently sa isang restaurant sa Quezon City.

"Hindi ko naman pwedeng talikuran ang aking pag-aartista dahilan lamang sa mga nangyari. Ito ang una kong pangarap. Seven years old pa lamang ako ay umaarte na ako sa harap ng salamin. Ang pagkanta ko naman ay isa lamang fall back tuwing ganitong may problema sa industriya. Una akong naging artista bago singer. Pero, hindi ibig sabihin ay hindi ko pinagbubuhusan ng panahon at pagmamahal ang aking singing. Kung hindi dahil dito ay baka hindi ako nakaahon sa aking problema," dagdag pa niya.

Ang kanyang debut album ay nagtatampok sa isang komposisyon ni Larry Hermoso bilang carrier single. Ito ang "Bakit Ikaw Pa Rin".

Kasama rin sa album ang mga awiting "Mahal" ni Pabs Dadivas, "Kailan Kaya", "Luha", "Hinding- Hindi" ni Boyet Manahan, "Ako Ay Asahan Mo" ("I Will Be There For You") nina C. Manahan at Greg Caro, "Nakaw Na Pag-ibig" ni M. Villapando at J. Dy, "Makapiling Ka Sana" ni Vehnee Saturno, "Hinding- Hindi" (Remix Version) at "Mahal" (Acoustic Version).

Inaamin ni Ynez na bagaman at wala siyang kasalukuyang pag-ibig, halos lahat ng cuts sa album ay ganito ang tema. "Ganito naman tayong mga Pinoy, sa kabila ng maraming sakit, hindi tayo nadadala. Patuloy tayong umiibig, muli’t muli," pagtatapos niya.

Show comments