^

PSN Showbiz

GMA, galit sa tsismis na parang showbiz

THE YOUNG CRITIC - THE YOUNG CRITIC ni Jennifer Miranda -
Sa kasalukuyan ang usap-usapan sa pahayagan ay tungkol sa kudeta. Sumisingit-singit naman ang mga wala na yatang katapusang pandaraya at katiwalian sa gobyerno, ang hindi pa pinagsasawaang Senate hearings tungkol kay Senador Ping Lacson, at siyempre ang giyera sa Afghanistan. Hindi pa rin tumitigil ang rally ng mga mahihirap, ang paghahabol sa Marcos money, at sa kaso ng mga krimen–murder, robbery, kidnappings, rape, agawan ng cellphone at walang pahinga ang mga hidden spy camera ng mga network sa pagkuha ng mga maaanghang at eksklusibong footage na hindi isinasaalang-alang ang mga karapatang pantao ng mga biktima at ng mga nambibiktima.

Ako, hindi ako sang-ayon sa mga paghuli sa pamamagitan ng stolen shots sa pamamagitan ng hidden camera, lalung-lalo pa nga roon sa mga footage ng mga babaeng pinararatangang mga GRO o prostie habang dinadakma sila ng mga pulis. Hindi naman talaga mahihinto ang mga nude dancing at prostitution hanggang hindi natin nilulutas ang dahilan kung bakit nahihikayat ang mga babae sa ganitong gawain. Galit na ang presidente ng bansa sa laganap na tsismis dahil mas pinaniniwalaan yata ng mga mamamayan ang tsismis tungkol sa kudeta halimbawa kaysa sa mga official press release ng Malacañang.

Ang tsismis ay bahagi na ng showbiz at nahahawa umano ang gobyerno ng mga patakaran at istilo ng showbiz lalo sa impluwensiya ng scandals, rumors and intrigues. Ang tsismis ay ang buhay ng mundo ng showbiz . Kasabihan nga, kung may usok may apoy–kung matunog ang tsismis, asahan mong may basehang katotohanan (kahit gaano kaliit) at mas nakakabaliw ang mga intriga, pinalalaki at pinahahaba ang buhay ng iskandalo hanggang pagsawaan ng madla.

Ilan kayang soap opera series ang tumatakbo ngayon sa ating mga television networks na kahit anong hilig mo sa paiyakan blues hindi mo talaga masusundang lahat ang mga plot o istorya ng mga panooring ito. Sa ABS-CBN tatlong soap operang Tagalog at isang Mexican telenovela ang palabas sa primetime bukod pa sa Recuerdo de Amor at kung ano pang foreign telenovela sa hapon at umaga. Sa GMA, may Ikaw Lang Ang Mamahalin at Monica Brava sa gabi at meron din silang telenovela sa hapon. Sa IBC-13 ay may Por Un Beso na sinusundan ng dalawang malalaking gameshows na Who Wants To Be a Millionaire at The Weakest Link. Ewan ko lamang sa iba pang networks kung meron din silang soap opera na pinapalabas. Ang mga tinatawag nilang Larawan series, Love Stories, Pira-Pirasong Pangarap at Maynila ay pawang mga soap opera rin ang dating.

Hindi ko na talaga sinusubaybayan ang mga kuwento, basta ang napapansin ko lang ay talagang mahuhusay ang nagsisiganap na mga artistang Pilipino di hamak naman kung sa mga Mexican at Venezuelan counterparts nila. Kapansin-pansin din na kahit sina Kristine Hermosa, Claudine Barretto at Judy Ann Santos o si Angelika dela Cruz ang mga headliners sa kani-kanilang shows, mas makukulay ang pagganap ng mga beteranong aktres na supporting nila tulad nina Eva Darren, Gloria Romero, Armida Siguion Reyna at iba pa. Hangang-hanga ako kay Zsazsa Padilla, Helen Gamboa at Caridad Sanchez na talaga namang dibdiban ang pag-atake sa kanilang mga roles. At maging doon sa sinasabing "maliliit" na produksyon tulad ng Pira-Pirasong Pangarap at Maynila, ang casting nila sa mga episodes ay wala kang maipipintas kung acting lang lamang ang pag-uusapan. Ang puwede mo nga lamang ireklamo ay ang mga scripts na hindi masyadong original. Napapansin ko rin na ang lamang ng Maalaala Mo Kaya sa iba pang dramatic serials o anthologies ay masinop at maganda ang production values ng programa bukod pa sa magagaling na artista. Pag-ibig pa rin ang siyang buod ng karamihang kuwento sa telebisyon, sa radyo at maski na sa pelikula kaya tama ang kasabihang make love, not war.
Wala munang Muslim & Arab type kontrabida
Mabilis ang reaksyon ng mga film producers tungkol sa naganap na mga trahedya sa New York City at Washington D.C. bunga ng suicide attacks ng mga terorista ni Osama bin Laden. Pansamantala munang ipinatigil ang pagtatanghal at paggawa ng mga pelikulang may tema ng karahasan at terorismo dahil isinasaalang-alang nila ang damdamin ng mga karaniwang mamamayan at bilang pakikiramay sa mahigit na limang libong mga Amerikano na nasawi sa World Trade Center at Pentagon.

Pero may nabasa rin akong ang karahasan ay bahagi na ng kulturang Kano at siguro raw, pagkaraang mahimasmasan ang bansang U.S. magbabalik na muli sa U.S. big screens ang mga pelikula ng violence at action na punumpuno ng mga special effects. Mauuso raw ang mga war movies pero mga istorya na ng heroism, patriotism at katapangan ng mga U.S. armed forces. Kaya lamang daw naghihinay-hinay na ang Hollywood sa pagpo-portray ng mga Muslim at Arab types bilang mga kontrabida.

Kailangan may pakundangan din ang mga producers sa mga taong gagawin nilang villains at baka sumiklab ang mga damdamin nito at masundan pa ang WTC at Pentagon incidents. Ngayon nga ay naririndi na ang U.S. government sa banta ng anthrax biochemical warfare. Noong World War II, syempre ang mga Hollywood movies ay laging German o Japanese villains ang kalaban ng mga bida. Noong makaraan ang digmaan, sa umpisa ng tinatawag na Cold War, mga Russian naman ang paboritong kontrabida ng Hollywood.

Samantala sa mga local films, ang mga paboritong villains sa action category ay mga police scalawags at mga power-greedy politicians. Sa mga drama, lalung-lalo na sa soap opera, natural ang mga kontrabida ay mga mothers-in-law at mga good for nothing husbands.
*****
Email: [email protected].

ARMIDA SIGUION REYNA

CARIDAD SANCHEZ

CLAUDINE BARRETTO

COLD WAR

EVA DARREN

GLORIA ROMERO

PIRA-PIRASONG PANGARAP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with