Palaban si Gabriella

Napaka-unusual ng Gabriella na maging pangalan ng isang pop rock singer. Pero, napaka-simple naman ng dating ng dati niyang pangalang Nika Belardo (pangalan niya nung nasa Viva Records pa siya) kung kaya pinalitan ito ni Bella Tan ng Universal Records nang kunin niya itong artist ng kanilang kumpanya. "Parang pangalan ng bata yung pangalan niya. Hindi bagay sa basag na boses niya na matagal ko nang pinaghahanap," anang lady exec.

It was composer Vehnee Saturno who recommended Gabriella to her company. At the time ay nagri-real estate lamang ito. Masyado itong na-disappoint na walang nangyari sa kanyang recording career kung kaya nagpasya itong magtinda na lamang ng lupa. Paminsan-minsan ay kumakanta siya sa mga bars and lounges kasama ang kanyang banda.

Hindi naman nagdaramdam si Gabriella na hindi siya naasikaso sa Viva Records. Nung naroroon siya ay kasagsagan ng careers nina Jaya at Donna Cruz kung kaya hindi siya nabigyan ng pansin.

Hindi naman nagkamali si Ms. Bella Tan na kunin siya. Master copy pa lamang ng recording ni Gabriella ng awiting "Natatawa Ako" na ipinahiram niya sa istasyon ng radyo para mapatugtog ay dagling umagaw ng atensyon ng mga tagapakinig. Marami ang nag-akala na ang grupong Aegis ang kumakanta. Nagugulat na lamang sila kapag nalaman na isang baguhan lamang si Gabriella. Madaling namayagpag sa top of the charts ng mga leading FM at AM stations ang awiting ito. Habang patuloy na naririnig ang awiting ito, lahat ay sang-ayon na isang original artist si Gabriella. Parang Pinoy version ni Bonnie Tyler o pinagsama-samang Lolita Carbon, Nedie Decena at Sampaguita.

Kalalabas pa lamang ng kanyang debut album na "Gabriella" na produced ni Vehnee Saturno.
*****
One hundred percent Ilongo ang commercial model na si Christian Vasquez of the famed PLDT commercial na "Suportahan Ta Ka". Bago siya sumikat sa nasabing TV ad ay dalawang taon na siyang nagmomodelo. Bago ito ay 22 years siyang tumira sa Bacolod City na kung saan ay nakatapos siya ng Enterprise Economics sa La Salle. Mula siya sa angkan ng isang farming family.

Christian never expected that he would be in showbusiness. Pumunta siya ng Maynila para mag-train bilang isang flight steward. Dito ay dumanas siya ng katakut-takot na hirap. Maraming pagkakataon na Skyflakes lamang ang kinakain niya at madalas wala siyang pamasahe. Until that commercial which catapulted him into public consciousness and into showbiz.

Ngayon, nasa ABS-CBN na siya, playing Matthew Monteclaro in Sa Dulo Ng Walang Hanggan. Isa naman siyang Ilongo playboy sa Attagirl.

Dahil bago, medyo hirap siya pero, wala siyang balak na sumuko. Madalas nagtatanong siya sa kanyang direktor at mga co-stars. Plano niyang kumuha ng workshop to learn the techniques and to improve his craft.

Excited siya sa kanyang bagong trabaho lalo’t nakita niya na unti-unti na siyang nakikilala, Nung huli siyang umuwi ng Bacolod ay pinagkaguluhan na siya. Nahihiya siya sapagkat hindi niya alam kung paano siya magri-react. Ngumingiti na lamang siya.

Hindi ipinagkakaila ni Christian na mayroon siyang dalawang anak na lalaki, ages 3 and 4, na nasa kandili ng kanyang mga magulang sa Bacolod. Hiwalay na sila ng ina ng mga anak niya. Ikinasal sila nung sila ay mga batang-bata pa.

"I’d like to do away with kaplastikan and tell the truth. I’ll consider it a blessing kung tanggapin o hindi ito ng tao," sabi niya.
*****
Hindi natin namamalayan ay nakatapos na pala si Geneva Cruz ng kanyang pelikula sa Viva Films titled Weyt A Minit Kapeng Mainit, isang comedy na nagtatampok din kina Janno Gibbs, Blakdyak at Angela Velez.

Tungkol sa dalawang waiter na nagtatrabaho sa isang restaurant na kung saan ay nagkita ang dalawang magkalabang sindikato para magkasundo na. Nagkaroon ng bulilyaso. Nang naging maliwanag ang lahat, ang tanging naiwan sa lugar ay ang dalawang waiter na saksi sa krimeng naganap.

Para makaiwas sa siguradong paghahanap sa kanila ng sindikato, nag-disguise na mga babae ang dalawa at nag-apply papuntang Japan. Nakilala nila at naging ka-roommates sina Geneva at Angela. Dito na nagsimula ang gulo at nakatatawang eksena sa pelikula na nasa direksyon ni Ben Feleo at nakatakdang mapanood sa Nobyembre 14.

Show comments