Ganito naman talaga ang tradisyonal na ugali at suwerte ng mga soap opera leading ladiesmatiisin, pasensyosa, maunawain at martir sa pag-ibig. Ang mga kontrabida ay wala na yatang ginagawa sa buhay kundi mag-isip at magplano kung paano nila paiiyakin ang bida at kung paano nila magugulo ang buhay ng mga mabubuting tao sa kanilang paligid. Sinasabing ang mga character sa soap opera ay hango sa tunay na buhay. Ganyan namang lagi ang sinasabi tungkol sa mga drama shows sa telebisyon. Laging based on real life pero ewan ko lang kung mayroong buhay na ganoon kakumplikado at ganoon kagulo at kadami ang walang patid na problema. At syempre telebisyon ito kaya natural lang na ubod ng ganda ang bida, ubod ng talino na hindi mo akalaing papayag na magdusa at magtiis ng kanilang kapalaran ng hindi umaalma.
Ang mga bidang lalaki ay ubod ng guwapo at para ngang nabiyayaan na ng lahat ng maganda sa mundo. Pero problemado rin. Ang di ko nga maintindihan ay kung bakit parang daig pa ng droga ang soap opera kung umepekto sa mga viewers. Wala na kaya silang gagawin kundi sundan ang pakikipagsalaran ng mga soap queens araw-araw? Hindi lang iisa ang soap opera na kinahuhumalingan ng madla. Bukod sa soap opera sa gabi, may mga Mexican soaps din kung tanghali at hapon. Parang kung madaling araw lamang mapapahinga ang iyong mga luhaang mata. Maging ang mga sinasabing pagsasadula ng mga criminal cases sa telebisyon tulad ng Kabalikat, Kasangga at Your Honor ay may hawig na rin sa soap opera.
Noong bata pa ako, ang soap lamang na natatandaan ko ay ang Flordeluna ni Janice de Belen at ang Anna Lisa ni Julie Vega. Ngayon ay mayroon sigurong higit sa sampu ang local at imported soap opera ang nasa ere at lahat daw ay may tagasubaybay. Hindi mo nga kailangang sundan araw-araw dahil basta alam mo ang takbo ng kuwento okey ka na. Huwag mo nang guluhin ang isip mo at hanapin ang mga explanation kung bakit bigla na lamang mahirap sina Robert Arevalo at Boots Anson Roa samantalang mayaman na ang dati nilang katulong na si Mylene Dizon sa soap opera na Sa Dulo ng Walang Hanggan. Laging palipat-lipat ng bahay si Gloria Romero. Si Armida Siguion-Reyna naman ay laging nakababad sa bahay ni Connie Reyes at Edu Manzano at inuudyukan ang kanyang apong si Julia Clarete na gawan na ng malisya si Judy Ann Santos sa Puso Ko, Iinagatan Ka.
At padagdag nang padagdag ang mga characters sa soap opera gaya nang biglang naging bagong kontrabida si Dina Bonnevie sa Ikaw Lang Ang Mamahalin. O kayay biglang lumitaw si Matet de Leon bilang anak ni Emilio Garcia sa Sa Dulo Ng Walang Hanggan at si Ricky Davao naman ay bagong lover ni Jean Garcia sa Pangako Sa Yo. Kapag mahirap na raw ang schedule ng mga artista, bigla na lamang itong pumupunta kunwari sa Amerika o kaya naospital o biglang nawala sa kuwento ng soap opera.
Syempre maganda rin ang mga soap opera dahil ito ay naging natatanging venue para ma-expose naman ang mga artista kung wala silang pelikula. Para sa iba, ang soap opera ay ang panibagong blossoming ng kanilang mga lanta ng career. Lahat na yata ng mga retirado at semi-retired actors and actresses ay makikita ngayon sa mga soap opera series sa telebisyon. Ang kapapanalong best actress ng Star Awards For TV na si Eula Valdez ay nagsimula sa tropang Bagets sa Viva Films pero hindi sinuwerteng maging tunay na leading lady o tunay na bituin sa pelikula. Pero mahusay namang umarte si Eula at sinusuwerte rin dahil natagpuan niya ang isang magandang soap opera role.
Kung tutuusin maski yata sino sa mga kasalukuyang soap opera ay maaaring mapiling best actress tulad nina Zsazsa Padilla, Cherry Pie Picache, Jean Garcia, Helen Gamboa, Eva Darren at Pilar Pilapil at marami pang iba. Sa palagay ko, nagkakatalo lang sa ganda ng role na ginagampanan. Aasahan mong ang mapipiling best drama actress sa telebisyon ay ang mga bida sa soap opera tulad nina Judy Ann, Angelika, Claudine o Kristine Hermosa. Sa totoo lang walang itulak kabigin sa kanila.
Surely there are positive things that the viewers need to know. Something heartwarming and helpful in their lives. Sa panahon ng digmaan at karahasan, sana naman makapanood tayo sa telebisyon ng tungkol sa mga kabayanihan sa likod ng mga disasters. I-feature naman natin ang mga kuwento ng pag-asa. Meron nga nito pero sa palagay ko, hindi masyadong nabibigyan ng sapat na pansin. Noong Edsa I, may nagsasabing ang Pilipinas ang bansa ng libu-libong bayani at buong pagmamalaki nating ibino-broadcast ito sa buong mundo. Ngayon, ang Pilipinas ay isa sa mga nangunguna sa problema ng droga, korupsyon, katiwalian, mga terorista at mga mapagsamantalang mga pulitiko. Kaya nga raw hindi na nawawalan ng material ang mga programang tumatalakay sa mga crime cases tulad ng Imbestigador, Kasangga, Philippines Most Wanted at Kabalikat.