Nakakagulong TV commercials

Buti na lang at nalipat sa 8:30 n.g. ang Monica Brava na bida si Nathalia Oreiro, dahil naaabutan ko pa itong mapanood kahit kung minsan ay natatrapik ako pauwi.

Habang tumatagal kasi, gumaganda ang istorya at mga eksena sa Monica Brava ng GMA. Hindi katakataka kung bakit pataas nang pataas ang rating ng telenobela mula sa Argentina.

Sa nakaraang episode ay buong ningning na nakilala ng mga sosyal si Monica sa isang party sa bahay na pinaglilingkuran niya. Napakaganda ng dalaga habang madramang bumababa sa hagdan, kasama ang poging pintor na pinsan ni Ivo.

Siyempre pati ang mga televiewers pumalakpak para sa ngayon ay lady-like ng si Monica. Magtuloy-tuloy na kaya ang masasayang sandali sa buhay ng dating nasa bahay-ampunan at palaboy sa kalye?

Dapat tutok ulit sa panunuod next week!
*****
Isa pang show sa GMA na tuloy ang paglaki ng audience ay ang Sis na tampok ang magkapatid na Janice at Gelli de Belen. Ibang klase ang talk-show nila tuwing 10:30-11:30 a.m., Monday to Friday.

Kahit magkaibang-magkaiba sina Janice at Gelli, very complimenting ang kanilang ambivalent personalities na tunay na ikinaganda ng palabas.

One very admirable thing about Sis ay never na nanghiya sila ng kanilang mga guests. Mapapansin ang mataas na pagpapahalaga at paggalang nina Janice at Gelli sa mga bisita nila maging mga sexy stars man sila tulad ni Patricia Javier o isang atletang naging controversial ang gender tulad ni Nancy Navalta.

‘Yong ibang talk-show kasing napanood ko, halatang sinasadyang alipustahin o bastusin ang kanilang mga invited guests. Bakit pa iistorbohin ang mga tao upang mag-guest sa kanilang show kung babastusin o paglalaruan lamang?

Natural para makatawag pansin at mag-rate ang show. Sa istorya ng TV sa Pilipinas, lahat ng mga ganitong show na nambastos ng kanilang mga kapwa-artista o kapwa tao, natigbak sa ere.

Alin kayang ganitong klaseng palabas ang susunod na matsutsugi? Halata kasi ang mga trying hard lang na maging controversial.
*****
Ano naman itong mga palabas na naubusan na yata ng idea kung ano ang dapat gawin para maaliw ng totoo ang mga viewers?

Sukat ba namang ang mga menor de edad na batang lalaki ay haltakin sa TV upang ipakita na tila bading na sila sa murang edad pa lamang. Sa ganitong stage ng buhay ng mga bata, maaring may mga naguguluhan pa kung ano ang kanilang kasarian.

Heto nga ang contest na walang ka-taste-taste na nag-exposed sa TV ng mga young boys para sabihin ng kanilang mga magulang "Is Dat My Boy?"

Okey lang kung husto na sa isip ang mga taong gusto nilang i-exploit upang mag-rate lang sila, tulad sa mga gay beauty pageant, na secure na sa kanilang estado ang mga sumasali o kaya’y sa mga "O Dibah?" na singing contest naman ng mga bading na nasa legal na edad na. Pero ang mga batang gawin mo agad bakla, kahit hindi pa sila sigurado kung ano ang gusto nila sa buhay, malaking kahunghangan.
*****
Kung ang mga grupo ng ad agencies ay may mga parangal, dapat din nilang pansinin ang mga commercial na medyo ginagawang bobo ang mga consumers at advertisers. Tulad ng pagkain ni Sharon Cuneta sa McDo na nagpakita rin ng iba pang customers sa nasabing fastfood. Nakakapagtaka lang kung bakit hindi siya masyadong pinansin doon ng mga tao at ang iba ay napangiti lang. Para pang ang tindahang ‘yon ay isang first class restaurant o five-star hotel na reserved o pinung-pino ang mga kumakain at halos walang reaction nang makitang bigla ang megastar.

Kahit ako ang makakita kay Sharon mae-excite ako, ‘yon pa kayang mga kumakain sa fastfood? Tiyak kung sa Jolibee siya kumain pinagkaguluhan ang megastar o baka na-mobbed pa siya. Kunsabagay talaga namang mas maraming kumakain sa Jolibee!
*****
Heto naman si Robin Padilla na nagsasabing "Magbago na tayo" sa isang beer commercial. Sabi sa ‘kin noong mga madalas makapanood nito, ang dating sa kanila sa sabi ni Binoe, magbago na sila o huwag nang uminom o maging lasenggo.

Natural susundin nila ang kanilang idol. Hindi na sila iinom ng beer!
*****
Ang lola naman sa isang patalastas ng sabon daig pa si Mystica kung mag-split. Baka gayahin siya ng ibang matatanda at dumami ang nasa orthopedic hospital.

Itong lola sa commercial puwedeng sumali sa isang super lola contest na baka umpisahan na sa isang noontime show na ang sabong ito ang may pakulo.

Malay natin? Basta sa mga noontime show, lahat ng trying-hard portion, tinatampok, pati pahabaan ng baba.

Show comments