Ipinaputol ang buhok dahil gusto nang iwan ang showbis

Ngayong Sabado ng hapon ang hudyat ng pagbabalik-mall entertainment ni Rey Salac. Ang Asia’s Mall Entertainment King ay sa Uniwide Sales Coastal Mall sa Parañaque naman magpi-perform ngayon hanggang matapos ang taon, tuwing Sabado ng hapon.

"Syempre, excited ako sa pagbabalik ko sa entertainment sa malls. Ang tagal ko na rin kasing hindi nakapag-perform sa malls. Bagong Rey Salac ang mapapanood nila ngayon," sabi niya sa tahanan-cum-office niya sa Quezon City. Bagong gupit si Rey. Yung dating mahabang buhok na kulay-mais ay pinaputol na niya.

Excited din si Rey sa nalalapit niyang pagpunta ng Fukuoka, Japan kung saan siya tatanggap ng award bilang "Asia’s Mall Entertainment King". "This is the highest award, so far, na tatanggapin ko. This will be my first international award. I am preparing some Japanese songs for the Japanese audience."

Sa third week ng October pupunta ng Japan si Rey. Pagbalik niya, aasikasuhin naman niya ang ilang concerts na nakatakda niyang gawin. May concert siyang gagawin kasama si Regine Velasquez on December 26 at isa pang concert kasama naman niya si Malu Barry.

Ito bang new look niya ngayon ay paghahanda niya sa new image niya? Bakit nga ba niya ipinaputol ang mala-Rapunzel niyang buhok? "It’s a long story actually, but the reason why I decided to cut my hair is because I wanted to get rid of showbiz. Gusto ko na talaga sanang iwan ito! Nang madamay kasi ako sa away ng isang reporter at manager ni Judy Ann Santos, nag-decide akong iwan na ang showbiz. Ayoko na. Tama na ito. I have done my part. Kahit papa’no, I have done something, I have achieved enough, at kahit papa’no, nakilala naman ako ng tao. Kaya sabi ko, ayoko na, I quit!"

Bakit nasira ata ang desisyon niyang manahimik na? "Ang dami kasing tumatawag sa akin, gaya nga ng mga forthcoming shows and concerts ko," diin niya. "Tapos nga, naghahanda na ako sa first solo concert ko. Special guest ko nga si Malu."

One month na ring nagho-host sa DWIZ, pansamantala, si Rey habang wala si Yoyoy Villame na nasa Canada.
*****
Mas mukhang pelikula ni Manny Pacquiao ang Basagan ng Mukha kaysa pelikula ni Ronald Gan Ledesma bagaman equal billing silang dalawa. Kung pagbabatayan ang reaction ng audience na nanood sa premiere night ng nasabing pelikula noong Lunes sa SM Southmall, Las Piñas, may puwersa sa manonood si Manny kahit mas guwapo sa kanya si Ronald. In fact, sabi pa ng ilan, mas marunong pang umarte si Manny kung kay Ronald lang, kasama na rito ang pagpapatawa at pakikipaghalikan.

Kung ipagpapatuloy ni Manny ang kanyang acting career sa kabila ng preparasyon niya bilang world’s bantamweight champion sa bawat pakikihamok sa ring, makikilala siya bilang "the boxing comedian".

Sabi ni Manny, mas exciting ang action sa boxing bout kaysa boxing sa pelikula. "Kasi, totoong may laban. Eh sa pelikula, yung mga kasama ko, natatakot, kasi baka tamaan sila. Ang totoo, hindi ko pinangarap na maging artista. Ang pangarap ko talaga, maging boxer at maging world champion. Yon talaga ang dalangin ko sa Panginoon. Suwerte dahil nasa movies na ako at paninindigan ko na. Pero hindi ko tatalikuran ang boxing dahil gusto ko pang magkamit ng ibang karangalan."

Ayon kay Manny, wala siyang pinagdaanang acting workshop. "Hindi ako nag-aral ng acting. Nanonood lang ako ng sine. Naisip ko, kung kaya ng iba, kaya ko rin. May nagtanong nga sa akin kung si Onyok Velasco ba eh ginagaya ko lang? Champion boxer na ako sa Asia nang manalo sa Olympics si Onyok. Hindi ko inisip na dahil nag-artista siya, mag-aartista rin ako."

Maiikli lang ang papel ni Manny sa mga nauna niyang pelikula, gaya ng Di Ko Kayang Tanggapin at Mahal Kita, Kahit Sino Ka Pa. Sa mga pelikulang ito, nagri-react ang manonood sa ipinapakita niyang acting. Simbolo siya ng masang kalalakihan. Tagahanga niya sila sa boxing at sa acting. Gusto nilang mapanatili ni Manny ang kampeonato nito. Paano nga ba inihahanda ni Manny ang sarili bago pumalaot sa ring?

"Una ay disiplina. Walang masasabi ang manager ko. Lagi akong nagpi-pray. Kain, tulog, paggising, ensayo. Pag malapit na ang laban, pray ako sa room, tapos, nagsusulat ako sa mga madre para magpa-pray sa kanila."

Si Manny Pacquiao lang ang Pinoy boxer, so far, na nanalo ng titulo sa Las Vegas. Siya rin ang maituturing na youngest Filipino world champ. Eighteen lang siya nang siya ay magwagi. Tapos lang ng high school si Manny. "Gusto kong ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Kaya lang, dahil sa dami ng ginagawa ko, hindi ko na kayang maging regular student. Siguro, home study na lang."

Show comments