Walang souvenir ng kanyang pagiging artista si Eddie

Pag tapos na ang movie, tapos na. Hindi nakagawian ng beterano at premyadong aktor na si Eddie Garcia ang magtabi ng anumang bagay na makakapagpaalala o souvenir ng kanyang pagiging isang artista. Walang scrapbook, wala ring album na naglalaman ng mga still photos ng kanyang ginawang pelikula.

"Andyan naman ang mga trophies ko to remind me of my beautiful career. Dati, when I was still with Sampaguita, nagko-collect ako ng mga photos and scrapbooks pero nang masunog ang mga ito, wala na, hindi na ako nag-ipon pang muli," he says during the presscon of his latest movie under Viva Films, Sanggano’t Sanggago which he topbills with Bayani Agbayani, isang komedyante na itinuturing niyang mahusay at may magandang timing.

Bagaman at napakarami niyang pelikula, sinabi ng magaling na aktor na may mga tinatanggihan din siya. "Hindi dahil sa tao na makakasama ko kundi dahil may conflict ito sa mga naunang schedule ko. Minsan, hindi rin bagay sa akin ang role," imporma niya.

Aside from Sanggano’t Sanggago, ginagawa rin niya ang Kapitan Ambo Outside The Kulambo with lovely Isabel Granada. Bida rin siya sa Kahit Saan Enkwentro with Jean Saburit and Alma Concepcion.

At past 70 machong-macho pa rin si Manoy, hindi alangan sa kanyang role na sanggano. "I haven’t been sick for a long time," pagmamalaki niya. "Ang mga naging sakit ko ordinary lang, mumps, common colds at chicken pox. I haven’t smoked since I stopped in ’71. I eat a lot of vegetables and fish, usually grilled. I make it a point to have a medical check up at least once a year and I take a lot of vitamins regularly," dagdag pa niya.

Bukod sa kanila ni Bayani, kasama rin sa movie sina Jackie Forster, Michelle Bayle, Robin Darosa, Aiza Marquez at Simon Soler. Direktor si Al Tantay.
*****
Kahit bagong panganak lamang siya, aktibo na sa kanyang paga-aartista si Melanie Marquez. Maganda at malaki ang kanyang role sa pinaka-bagong palabas ng GMA-7, ang Sa Dako Pa Roon na nagtatampok kay Assunta de Rossi. Sa direksyon ng nagbabalik na si Lore Reyes with the special participation of an authority sa paranormal na si Jimmy Licauco bilang aktor at consultant.

Umuwi lamang si Melanie dito dahil namatay ang kanyang ama. Dito na rin siya inabot ng pagsisilang ng kanyang anak. Masayang maybahay siya ng isang mayamang farmer sa US. Kasama niyang dumating ang kanyang mga anak na pwede ring mag-artista.

Kahit bagong panganak ay hindi nakaringgan ng reklamo si Melanie kahit pa inabot na ng hatinggabi sa taping. All praise sa kanyang professionalism ang kanyang direktor.

Mapapanood ang Sa Dako Pa Roon tuwing Huwebes, 10 n.g. sa GMA-7.
*****
Sino ang nagsabi na lugi ang mga pelikulang lokal? Bakit kumita ng P5M sa unang araw ng pagpapalabas ang La Vida Rosa nina Rosanna Roces at Diether Ocampo sa direksyon ni Chito Roño?

May pera ang tao kaya lamang ay namimili talaga sila ng panonoorin. Bago ang La Vida Rosa ay kumita rin ang Bakit Di Totohanin, isa pang pelikula ng Star Cinema na pinangunahan nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual.

Kailangang maganda talaga ang pelikula bago nila bitawan ang hawak-hawak nilang P50, P75, P100 o P120 na siyang bayad ngayon sa sine, depende sa kung saan ito matatagpuan.
*****
Napakaganda ng ipinatayong recording studio ni Danny Atienza, isang pamosong psychic at matagumpay na negosyante sa Santor, Tanauan, Batangas. Bukod sa mamahaling recording and lighting equipments, mayro’n din itong mga latest cameras na pwedeng gamitin sa shooting at tapings. Nagpagawa rin siya ng isang magandang set na maaaring marentahan ng iba. Mayro’n itong mga bahay kubo, sariling kapilya at sementeryo. Nung mapasyal kami dun last week ay may dinatnan kaming mga kabataan na may band rehearsal.

Balak sana ni Danny na maging blocktimer sa TV. Katunayan ay nakapag-produce na siya ng ilang mga palabas sa TV. Tumigil lamang siya sapagkat wala siyang makitang tao na makakatulong niya sa negosyo. Halos lahat ng nakasama niya ay niloloko siya. Instead nag-venture siya sa pagpo-produce ng mga concerts and variety shows. May inihahanda siyang isang malaking palabas sa Cuneta Astrodome.

Show comments