Pabahay para sa movie press

Marahil ay kay Secretary Michael T. Defensor lamang magkakaroon ng katuparan ang pangarap ko at ng maraming kapatid ko sa hanapbuhay na magkaroon ng sariling bahay sa halagang kaya ko (namin).

Marami kasi sa mga katulad ko na ang hanapbuhay ay pagsusulat tungkol sa mga tao na nasa showbiz at mga pangyayaring nagaganap dito ang hindi naman kalakihan ang kita. Kung hindi makapagsulat ay walang kita. Mabuti kung mayro’ng regular na trabaho na katulad ko pero, kung aasa lamang sa freelance writing, talagang walang tsansa na magkabahay ng sarili. Mas kawawa kung bago ang writer sapagkat sa kabila ng marami ang pwedeng pagsulatan, talo ang mga bago ng may pangalan na at mayro’ng clout. Kaya nga dito nagsisimula ang gimikan. Napipilitang gumawa ng isyu ang mga manunulat para makaagapay sa mga beterano at may pangalan. Di mo naman masisisi ang mga editor na tanggapan lamang ng trabaho ang mga may pangalan na sapagkat bawas ang problemang kakaharapin nila kung sakali, hindi lamang sa punto ng editing kundi maging sa libelo. Mas credible rin ang mga nauna nang writers, mas kapani-paniwala ang sinusulat nila sapagkat may interview, hindi haka, haka lamang o hula. O ang detalye ay kinopya lamang sa write-ups ng iba.

Sa isang pakikipag-usap sa mahusay at batam-batang Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council na kung saan ay ipinagmalaki niya ang mga accomplishments niya sa pitong buwan niyang panunungkulan sa nasabing sangay ng pamahalaan, sinabi niya na sa loob ng panahong ito, nakapagbigay ng shelter and land tenure ang kanyang opisina sa humigit kumulang sa 147,709 na pamilya o 49.23% ng target nilang 300,000 pamilya. Patuloy ang kanyang opisina sa pagbibigay ng tulong para makapagbigay pa ng housing units sa mga mahihirap sa murang halaga lamang. Nakakita na rin sila ng 198 sites na may area na 14,483 hectares na pwedeng pagtayuan pa ng mga bahay. Mayroon nang siyam na proposals para ang mga lupang ito ay ma-declare na alienable and ready for disposal sa mga 9,101 families pa.

Isa sa magandang balita ni Secretary Defensor ay ang pagbabawas ng red tape sa paglalakad ng housing permit at ang pagbabawas ng araw nang pagkuha nito.

Nang malaman niya ang sad plight ng maraming entertainment writers na ang karamihan ay nangungupahan pa rin o nakikitira lamang (gaya ko) nag-iwan siya ng pangako na tutulungan niya sila na makakuha ng mga low cost housing plans. Mayro’n na ngang binanggit ang kanyang staff na mga units sa Binangonan na hindi tataas ng apat na libo ang bayad kada buwan at fully furnished pa!

Ang ganitong balita ay nagbigay hindi lamang ng happiness sa mga movie writers kundi ng malaking pag-asa na baka sa tulong ni Sec. Michael T. Defensor, magkakabahay ang maraming mahihirap na movie writers.
*****
Unang nakita si Glaiza de Castro bilang isa sa walong kabataang sinasanay ng programang Master Showman para sumikat bilang artista. Tinatawag silang Master Showman Teeners. Isa si Glaiza sa dalawang babae na binigyan ni Mother Lily Monteverde ng pagkakataon na magka-pelikula sa Cool Dudes na tinampukan nina Cogie Domingo, Danilo Barrios at James Blanco. Ipinartner siya kay James.

Ngayon, isa na rin siyang recording artist. Iginawa siya ng isang album ng XAX Music Entertainment na nagtatampok sa awiting "Magbalik Ka" bilang carrier single. Ang album ay inilunsad sa isang mabonggang affair na ginanap sa isang malaking otel sa Quezon City, nung Setyembre 26 sa ika-11:00 ng umaga.

Bagaman at lalabintatlong taong gulang pa lamang, malaki ang pangarap ni Glaiza na sumikat kundi man bilang isang artista ay bilang isang manganganta. Mayro’n naman siyang dugong artista na nananalaytay sa kanyang ugat. Ang kanyang ama ay kapatid ng sikat na action star na si Dan Alvaro. Nag-banda rin ang mga magulang niya nung kabataan nila.
*****
Nakapagtatakang iisa lamang ang regular show ni Julia Clarete sa ABS-CBN gayong may talino naman siyang ipinagmamalaki, gaya ng pagiging isang mahusay na kontrabida sa isang serye na tinatampukan ni Judy Ann Santos, ang Sa Puso Ko, Iingatan Ka. Magaling din siyang kumanta pero, paminsan-minsan lamang siyang napapanood sa ASAP na kung saan ay regular ang mga kaedad niya at nakasabayan pang batch sa Star Circle.

Pero, hindi siya nagre-reklamo. Okay na sa kanya ang takbo ng kanyang career ngayon. Para sa isang nagsimula sa isang napaka-payak na pangarap na maging isang sales lady ng SM dahilan lamang sa nagagandahan siya sa kanilang uniporme, pangarap niya ngayon ay ma-establish ang kanyang sarili bilang isang aktres. At maski na madalas ay odd roles ang naa-assign sa kanya, happy na siya. "Takot ko lang na baka ma-type cast ako sa role ng kontrabida, lalo’t katulad ni Juday na maraming fans ang kinokontrabidahan ko. I always tell them na trabaho lang ito and although marami sa kanila ang nakakaintindi, hindi ko rin masisisi ang marami na naniniwala na katulad ako ng role na pinoportray ko. Kaya nga happy ako na gumanap ng mga odd roles gaya ng fairy, angel at maski na ng lesbiana sa pelikulang Trip," aniya.

Show comments