Nagsimula na ang loveteam nina Tanya at Dingdong sa programang Anna Karenina ng GMA-7. Napansin ang chemistry nila kaya ilulunsad na rin sila ng Viva sa isang pelikula.
"Im happy and excited. Matagal din naman akong naghintay. Ang feeling ko ngayon, dumating na rin yung time ko na ako naman. Parang bonus pa na si Dingdong ang ila-loveteam sa akin. At least kilala ko na siya," nakangiting simula ni Tanya.
Sa kabilang banda, may takot din sa dalaga na masabing mang-aagaw ng ka-loveteam. Aware nga raw siya na kahit papano ay may following na rin sina Dingdong at Antoinette.
"Of course, siguradong may mga lalabas na manunulot ako o nang-ahas, pero dedma na lang. Nakakatakot din pero trabaho lang ito. Wala naman kaming ginagawang masama para ma-afraid, di ba?
"Hindi ko naman inaagaw ang puso ni Dingdong. Wala rin naman akong planong sirain ang relasyon nila ni Antoinette kung meron man. Wala sa vocabulary ko ang mang-agaw at mang-ahas ng boyfriend ng may boyfriend! Ha-ha-ha!" at napatawa na rin siya.
Paano raw kaya kung mahulog din ang loob sa kanya ni Dingdong? Kung seryosohin din siya nito pagdating ng panahon?
"Ayokong isipin. Basta sa ngayon, ang alam ko lang magkatrabaho kami sa TV at pelikula. Its too early, saka ko na lang siguro sasagutin yan pag nangyari yon," pabiting pahayag na lang niya.(Ulat ni Robert Perez)