Dumating na ang panahon ni Patricia

Matagal-tagal na ring artista si Patricia Javier. Nagsimula siya sa isang bagets na programa sa telebisyon (That’s Entertainment), naging isang modelo ng mga undergarments na nagsilbing stepping stone niya para maging isang bold star.

Pero, hindi ang pagiging artista ang puntirya ni Patricia, kung bakit pumayag siyang mag-bold. "Gusto kong makilala, kahit na bilang isang ST star para pagpasok ko sa recording ay hindi na ako mahirapan, madali na ang recall ng tao," ang paliwanag ng magandang sexy star in a recent interview. Sa mga hindi nakakaalam mayro’n isang magandang singing voice si Patricia na gusto niyang magbigay sa kanya ng mas malaking pangalan.

Pero, tulad ng pag-aartista na hindi madaling matagpuan ang stardom, handa siyang magtiyaga. "Stiff rin ang competition among singers pero, okay lang. Handa akong maghintay sa pagdating ng break," sabi niya. Samantala, patuloy ang pagtanggap niya ng mga guestings sa TV, kumakanta rin siya sa mga corporate shows, tumatanggap ng modeling chores at maging ng provincial shows.

Ngayon, parang dumating na ang panahong pinaka-hihintay-hintay ng kayumangging aktres. Bida siya sa Kirara, isang telenovela na matagal nang lumalabas sa GMA-7. Dati ay sentro ang istorya sa isang bagets na babae pero, swerteng ang Book 2 ay ginawang entirely diffrerent ang istorya kung kaya nakapasok si Patricia.

Bida rin siya sa pelikulang Marital Rape, initial presentation ng RHGF Productions nina Rey Herrera at Gloria Fulgencio ng GLO-Herbal. Role ng isang inaabusong maybahay ni Raymond Bagatsing ang ginagampanan niya. Ito ang muling pagbibida niya sa pelikula matapos ang Ang Kabit ni Mrs. Montero at Unfaithful Wife 2. Battered din siya sa Nais Ko Nang Lumigaya pero mas matindi ang naranasan niyang hirap dito.

"Ibang katrabaho si Raymond. Talagang masasaktan ka pero, mahusay kasi siyang aktor. Nagpapasalamat nga ako sa kanya at sa aming direktor na si Buboy Tan dahil tinulungan nila ako sa mga mabibigat kong eksena. May konting kaseksihan din ako rito para hindi ma-miss ng manonood ang mga dati kong ginagawa," sabi niya.

Kasama rin sa Marital Rape sina Tonton Gutierrez, Robin Da Rosa, Gladys Reyes, Stella L., Samantha Lopez, Eddie Gutierrez, Perla Bautista at Jethro Ramirez. May special participation si Snooky Serna sa pelikula.
*****
Halos bumagsak kami sa aming kinauupuan sa katatawa pero, hindi isang eksena sa pelikula o telebisyon ang pinanonood namin. Hindi rin ito isang palabas sa tanghalan. Narun kami sa Chatterbox West para sa launching ng self-titled album ng Gladys and The Boxers with K. Kasalukuyang nagpi-perforn ang tatlong members ng grupo na sina Daniel Lardizabal, Gladys Guevarra at Kakai Brosas. Nakakailang kanta na sila from the album at kasalukuyang ginagaya ang ilan nating mga local performers na tulad ng magpi-pinsang Cruz na sina Sheryl, Donna, Geneva at Sunshine. Gaya rin nila si Mega.

Ang galing ng Gladys and the Boxers with K na kulang ng isang miyembro. Kaya kung may kakayahan kayong kumanta, may kaalaman sa comedy, prisinta kayo sa kanila. Matatagpuan sina Gladys at Kakai sa Eat Bulaga, si Gladys sa Biglang Sibol Bayang Impasibol, Lunes hanggang Biyernes at Beh Bote Nga, Miyerkules at si Kakai sa Ikaw Lang Ang Mamahalin., Lunes hanggang Biyernes rin, lahat sa GMA 7.

May gigs din sila sa Soundstage Cainta, Martes, lagare sila sa Chatterbox West, Chatterbox Galleria at Joekher, Miyerkules at Kampo West tuwing Sabado.

Bagaman at okay na sila kahit tatatlo lamang sila, sinabi ni Gladys na tulad ni Daniel ay orihinal na miyembro ng Gladys and the Boxers samantalang nakakaisang taon pa lamang nilang kasama si Kakai na talagang kailangan pa nila ng isang myembro sapagkat swerte sa grupo ang apat ang miyembro.

Ang tatlo ay mga magagaling na sing-along master at sa trabahong ito lahat nagsimula ng kanilang pagkanta. Sa isa nilang gig nadiskubre ang tatlo na humantong sa kanilang pagiging recording stars.

Ang una nilang album sa Star Records na self-titled ay nagtataglay ng 12 tracks. Ang carrier single ay ang "Ako’y Napapa-Uhh" na sinundan ng "Hulog", ang nakatutuwang Tagalog adaptation ng "Fallin’", "Sirang Plaka", "Galit Ako", "Chenelyn", "Kung Ayaw Mo Na", "Lovin You", "Papalitan Na Kita", "One Hello" at marami pa.

Show comments