Maria, madyikera naman

Matapos niya tayong bigyan ng kasiyahan sa pagiging maybahay ni Cesar Montano sa Kaya ni Mister, Kaya ni Misis, madyik naman ang ipagkakaloob sa atin ni Maricel Soriano sa kanyang bagong palabas sa ABS-CBN, ang Mary D’ Potter na magsisimulang mapanood sa Setyembre 15, 8:00 n.g.

Wala siyang asawa sa bagong palabas (oo nga naman, kesa magka-problema siyang muli kapag umayaw na naman ang lalabas na asawa niya). Biyuda siya na may anak na sinusuportahan (Serena Dalrymple) at ang buong pamilya niya na binubuo ng kanyang tiyahin (Nova Villa), pamangking babae (Meryll Soriano), pamangking lalaki (Mel Martinez) sa pamamagitan ng paggawa at pagbibenta ng clay pots.

Walang nakakaalam na isang white witch si Mary. Gawain niya ang gumawa ng mabuti at tumulong sa nangangailangan. Namana niya ito sa kanyang mga magulang na dating nagta-trabaho sa isang circus. Tinalikuran niya ang pagiging witch nang magka-asawa’t magka-anak. Pero dumating na ang panahon na kailangang gamitin niya uli ang kanyang kapangyarihan.

Si Herbert Bautista si Kuling, ang kapitbahay ni Mary. Suspetsa niya ay witch si Mary at gusto niya itong patunayan. Unang nagkasama ang dalawa sa Kaluskos Musmos. Asawa niya si Izza Ignacio at anak nila si Yuuki Kadooka. Kasama sa cast si Mel Kimura.

Show comments