Klaudia, swerteng nakakaligtas sa 2 ulit na tangka

Para kay Klaudia Koronel, pinaka-tame na ang pelikulang Mano Mano 2 sa pagpapakita niya ng angking kaseksihan. Relaks siya sa seductive scene dito kung saan inakit niya si Ronnie Ricketts na siya ring direktor ng nabanggit na pelikula mula sa Maverick Films.

"Magaling siyang direktor," sabi ni Klaudia tungkol kay Ricketts sa The Barn noong Miyerkules. "Tense lang siya pagdating sa sex scenes. Ako na raw ang bahala. Hindi siya katulad ng ibang direktor na sa ganung eksena, ipagpipilitan ang gusto nila."

Para kay Klaudia, ang pinaka-importante niyang mga pelikulang nagawa ay Tuhog, Live Show at Hubad sa Ilalim ng Buwan dahil ipinasok ang tatlong pelikulang ito sa mga international film festival. Pero kung meron siyang dream picture, sabi niya, "Iyon ay ang nangyari sa buhay ko. Gusto kong gawing movie ang buhay ko."

Makulay at mas madrama pa kasi ang totoong buhay ni Klaudia. Ipinanganak siya at lumaki sa Zamboanga. "Galing ako talaga sa lupa, magsasaka kami," balik-tanaw niya. "Itong peklat ko sa daliri, gawa ‘yan ng karet.

"Ni hindi ko pinangarap na mag-artista noong maliit pa ako. Pero ugali ko na noon na makinig ng drama sa radyo. Habang naglalakad ako sa pilapil, nagda-drama ako. Pag nakasakay ako sa kalabaw, salita ako nang salita, dinadayalog ko yung napakinggan ko sa radyo. Mahilig din akong manood ng sine pero hindi ko talaga pinangarap na mag-artista noon."

Limang taong gulang si Klaudia nang maghiwalay ang magulang niya. Dahil panganay siyang anak, isinama siya ng tatay niya sa Iloilo kung saan lola niya ang umaruga sa kanya. "Halos lumaki ako noon na hindi inalagaan ng magulang. Pinag-aral ako ng lola ko. First honor ako mula Grade 1 hanggang Grade 4."

Sampung taong gulang si Klaudia nang biglang nagpakita sa Iloilo ang nanay niya. "Pupunta siya kasi ng Malaysia para magtrabaho noon, yung kapatid ko na sumunod sa akin, inihahabilin niya sa lola ko. Gusto niyang magpaalam din sa Papa ko noon. Kaya lang, nag-usap sila at muling nagkabalikan.

"Naisip ng tatay ko na makipagsapalaran sa Maynila. Doon niya gustong mag-karpintero. Tumira kami sa Project 8, Quezon City, sa isang squatters area. Doon namin talaga naranasan ang hirap. Madalas, nadi-demolish yung bahay namin."

Pagkatapos ng high school, sumama si Klaudia sa grupo ng mga dancing models. Nagkawatak-watak ang grupo at natagpuan ni Klaudia ang sarili na nagtatrabaho sa Pegasus pagkatapos. Sa klab ding iyon nadiskubre si Rosanna Roces. "One year lang ako sa Pegasus," sabi ni Klaudia. Dahil nadiskubre na nga siya ni Robbie Tan ng Seiko Films, kung saan pinapirma siya ng 2-year contract, 7 pictures noong 1997. Si Robbie rin ang nagbigay ng screen name niya, una Klaudia Estevez. Naging "Klaudia Koronel" pagkatapos. Ang tunay na pangalan ni Klaudia ay Milfe Dacula.

Kesong Puti
ang unang pelikula ni Klaudia sa Seiko noong 1997. Ito rin yung taon na humiwalay na nang tuluyan ang tatay niya sa kanila. Mahilig kasi itong uminom at mambugbog. Noong nagtrabaho si Klaudia sa Japan, ibinili niya ng taxi, hulugan, ang tatay niya. "Pinabayaan niya ang taxi at nagkandasira-sira ilang buwan pa lang. Nang usisain ko siya, sinaktan pa niya ako. Sa sama ng loob ko noon, nagtangka akong magpakamay. Naglaslas ako ng pulso. Mga 1994 iyon," kuwento ni Klaudia.

Dalawang taon, pagkatapos, muli na naman siyang nagtangkang magpakamatay. "Family problem din," sabi niya. "Naging emotional ako noon. Sabi ng Mama ko sa akin, ‘Responsibilidad mo talaga kaming tulungan!’ Sabi ko sa kanya, ‘Kayo ang may responsibilidad na buhayin kaming mga anak ninyo!’ ‘Yung sumunod na kapatid ko, sabi naman sa akin, ‘Porke panganay ka, akala mo, hawak mo na kami! Ang damot-damot mo!’ Ako pa ang maramot? sabi ko sa kanila. "Ibinigay ko nang lahat sa inyo, ako pa ang sisisihin ninyo? Ni hindi ninyo ako tanungin kung kumain na ako pagdating ko ng bahay? Alam n’yo bang hirap na hirap akong matulog pag inuubo ako?"

Apat na taon na ang nakararaan nang magka-boyfriend si Klaudia, isang lalake na may-ari ng palaisdaan at stain glass factory. "Niyaya niya akong pakasal noon pa. Pero ayokong ipasa sa kanya yung responsibilidad ko sa pamilya ko."

Ayon kay Klaudia, isang taon muna nilang inilihim yung relasyon nilang mag-nobyo. Sa ikalawang taon, ipinakilala na siya ng boyfriend niya sa magulang at kamag-anak nito. "Yung ibang kamag-anak niya, yung tita niya, yung lola niya, ayaw nila sa akin dahil sa trabaho ko. Umiyak ako noon. Pero nanatiling tapat ang boyfriend ko sa akin. Ipinaglaban niya ako sa kabila ng paninira ng mga kamag-anak at kaibigan niya sa akin."

Ang pang-aaping iyon sa kanya ang isa ring dahilan kung bakit nagsisikap si Klaudia na makatapos ng isang college course. Nag-aaral siya ngayon ng Computer Science sa New Era University. "Actually, nung nag-showbis na ako noon, dahil minsan lang kasi ang paggawa ko ng pelikula sa Seiko, nag-aral na ako sa AMA ng Computer Science. Pero iba ang trato nila sa akin doon. Hindi kagaya dito sa New Era na nirirespeto ako at may disiplina ang mga estudyante."

Sa disiplinang pinapairal ng eskuwelahan niya ngayon, malilimitahan na ang pagbo-bold ni Klaudia. "Pero ang importante sa buhay ko ngayon, napalapit ako sa Diyos. Napunan ng spiritual yung material na bagay. Patuloy ko pa ring tinutulungan ang pamilya ko sa Tandang Sora kahit nasa Twin Towers condo na ako nakatira with one alalay, maid and driver. Mas naging malapit ako sa pamilya ko, sa apat kong kapatid. Napi-feel ko ‘yon tuwing dinadalaw ko sila lalo na kung libre ako sa trabaho."

Show comments