"Hindi pa! Ayoko muna! Hindi pa ako handa. Baka kung ano lang ang masabi ko at maging reaksyon ko kung ngayon kami magkakaharap," pahayag agad niya. "Mas mabuti munang ihanda ko ang sarili ko sa puwedeng mangyayari," sambit ulit niya.
"Hindi ko kasi na-anticipate na darating agad yung ganitong sitwasyon. Dati kasi, pag tinatanong ako kung ano ang magiging reaksyon ko pag nakita ko ang tunay kong ina eh, tatawa-tawa lang ako. As in, dedma lang ako.
"Iba na pala pag nandito ka na talaga sa ganitong sitwasyon. Hindi mo alam kung anong gagawin mo. Hindi ko rin alam kung paano ako magre-react. Blanko pa nga ngayon ang isip ko, eh, sa totoo lang," pagpapatuloy pa niya.
Eh, kelan ba niya balak kausapin ang nanay niya at makaharap ito nang personal?
"Hindi ko pa alam, eh. Mahirap magsalita sa ngayon. Puwedeng bukas o puwede ring next week. Depende yon sa takbo ng utak ko. Pero gusto ko sana, kung saka-sakaling haharap ako sa kanya, eh, yung talagang handa na ako.
"Yung wala na akong masasabi kundi hi and hello lang. Yung wala nang galit dito sa akin dahil sa ginawa niyang pagpapabaya noon sa akin," madamdamin at punumpuno ng emosyon niyang pahayag.
Masaya ba siya sa paglantad ng kanyang tunay na ina?
"Uhm. . . ewan ko!" tugon niya na sinundan ng ilang minutong katahimikan. "Masarap malaman na merong isang tao na nandiyan lang pala sa isang tabi na nagdarasal para sa kabutihan ko, pero hindi rin ganun kadali na basta-basta na lang kalimutan ang mga nangyari.
"Kumbaga, may pain dito na hanggang ngayon ay kinikimkim ko pa rin. Di ko alam kung kelan yon mawawala. Baka pag nagkita na kami, baka pag nagkausap na kami don ko lang maintindihan ang lahat," sabi pa niya. (Ulat ni Leo M. Bukas)