Balik sa pambabae ang sikat na action star!

Ayon sa tsika ng isang kaibigang reporter ay nakita ng kanyang kapitbahay na sikyu na may kasamang magandang babae na di taga-showbiz ang isang sikat na aktor. Dinala raw ito sa kanyang condo unit. Morena raw ang non-showbiz lady at mahaba ang buhok. Balitang kunsumido na naman ang misis nitong aktres dahil balik na naman sa pambababae ang kanyang palikerong mister matapos na hindi palaring manalo sa election.

May regular TV show ang guwapong aktor.
Ian V. ayaw pa-double
Kung ang ibang action star ay nagkakaroon ng relasyon sa kanilang leading lady o nali-link sa magagandang babae ay kaiba si Ian Veneracion. Sa tinagal-tagal niya sa showbiz – nagsimula siya noong limang taong gulang sa Joey & Son hanggang maging sikat na action star ay hindi pa siya nagkaroon ng intriga. "I value my privacy at ito ang pangunahing dahilan kung bakit ayaw kong magkaroon ng nobyang taga-showbiz. Mas magiging matatag ang pagsasama ng dalawa kapag walang kontrobersya. Kaya pinili kong mapangasawa si Pam dahil hindi siya taga-showbiz. Never akong na-involve sa aking mga naging leading ladies dahil ayaw kong sabihin nilang nagte-take advantage ako. Mabuti na lang at naiwasan ko rin ang tukso kahit noong binata pa ako," aniya.

Nagpapasalamat si Ian dahil ang Solar Films ang nagbigay sa kanya ng unang pagkakataon na makalabas sa pelikula noong anim na taon lang siya sa pelikulang Never Ever Say Goodbye na tinampukan nina Nonoy Zuñiga at Vilma Santos. Ngayon abala siya sa Parehas ang Laban. "Marami kaming action scenes dito mula sa simula hanggang sa katapusan ng pelikula. Maganda ang working relationship namin ni direk William Mayo dahil naiiba ang kanyang approach at maayos ang lahat. Para kaming magkabarkada ni direk. Enjoy akong makatrabaho si John (Regala) bilang kontrabida dahil ang galing niyang umarte at never siyang naging problema sa set. Maswerte rin ako dahil propesyonal sina Daisy (Reyes) at Angela (Velez). Madali kaming nakatapos ng syuting dahil magagaling ang lahat ng artista," aniya.

Huling pelikula ni Ian ang Unfaithful Wife bago siya pansamantalang namahinga sa showbiz. Naging abala siya sa skydiving, motorcross, scuba-diving at pagiging private pilot. Idagdag pa rito ang kanyang pagpipinta. Nagkaroon na si Ian ng one-man exhibit. Sumasali rin siya sa motorcross competition ng mga celebrities gayundin sa golf tournament at All-Star Basketball game. Sa buwang ito ay pupunta sila ng Japan at Dubai para sa basketball tournament sa pangunguna nina Jestoni Alarcon at Bembol Roco.

Sa kanyang pagbabalik-pelikula ay desidido si Ian na magtuluy-tuloy na sa kanyang career lalo na sa aksyon. Maaasahan sa martial arts ang guwapong actor lalo na sa karate, kickboxing, streetboxing at arnis.

Sa Parehas ang Laban ay ipinakita niya ang galing sa arnis habang nakikipaglaban kay John. Hindi rin nagpa-double si Ian sa mga daring stunts gaya nang pakikipagbarilan sa ere habang nakasabit sa kable habang nakikipaglaban sa sindikato ng droga.

Sa buhay-pamilya ay kuntento na si Ian dahil very supportive ang kanyang magandang asawang si Pam at malulusog ang kanyang dalawang anak. Tatlong taon na ang panganay na lalaki at isang taong gulang naman ang babae.

Magandang halimbawa sa mga artista si Ian dahil wala siyang bisyo, dedicated sa kanyang trabaho, tapat sa kanyang asawa at mapagmahal sa kanyang pamilya.
Geneva, di apektado ng intriga
Inamin ni Geneva Cruz na hindi siya apektado sa intrigang buntis siya. "May anak na naman ako, annulled na ang kasal namin ni Paco at hindi na ako bata kaya okey lang kung mabuntis man ako. Kaso hindi naman ito totoo. Tinatawanan din ni KC (Montero) ang balitang buntis ako," anang aktres.

At kahit iniintriga ang kanilang relasyon dahil sa pagiging super selosa niya ay hindi pa rin nagbabago ang kanilang magandang relasyon.

Show comments