Bad Girl of Philippine Movies

Kung paramihan ng negative write-ups at sari-saring kontrobersiya ang pag-uusapan, wala na nga sigurong makakatalo pa sa dating child wonder na si Matet de Leon.

Sabi nga kung may Bad Boy ang Philippine movies sa katauhan ni Robin Padilla, walang dudang si Matet naman daw ang Bad Girl.

Matagal na ngang isyu ang pagiging lasenggera, palamura at chain smoker ni Matet. And lately nga, ang mismong manager daw niya na si Tita Angge ang kanyang nilapastangan?

Aminado naman si Matet sa kanyang nagawang pagkakamali. Kaya nga raw hindi niya alam ang gagawin kung paano hihingi ng kapatawaran sa kanyang manager.

"Until now, hindi ko pa rin alam kung paano akong hihingi ng tawad kay Tita Angge. Sa rami ng nagawa niya sa akin, super nahihiya talaga ako. Hindi ko alam kung paano akong makakaharap pa sa kanya.

"Hindi ko rin alam kung paano ko mapapatawad ang aking sarili sa ginawa ko sa aking manager," sabi pa ni Matet.

Marami naman ang nagsasabi na bad influence ang boyfriend ni Matet na si Harold Macasero. Na ito raw ang dahilan kung bakit lalong tumitigas ang ulo niya?

"Parati nilang sinasabi ’yan kay Harold pero kung alam lang nila ’yung totoo, nagkakamali sila!" pagtatanggol naman kaagad niya.

"Kung alam lang nila, malaki ang nagawa sa akin ni Harold para mabawas ang paninigarilyo at pag-inom-inom ko. Mabait si Harold kaya unfair sa kanya ang sabihing bad influence siya sa akin.

"It’s not because pinagtatanggol ko lang siya, it’s because ’yon ang totoo. Kaya tigilan na ’yung mga ganyang akusasyon do’n sa tao. Huwag na nilang isali pa ang boyfriend ko!" sabi pa niya. (Ulat ni Robert Perez)

Show comments