"Iba naman kasi siya sa ibang sumikat sa pagiging singer ng mga kantang may double-meaning," kuwento ng reporter na si Boy Silverio. "Alam naman natin na hindi lang siya ang pinakamaganda sa kanila kundi pinakabata pa. Kaya, siyempre, mas kinagigiliwan siya pag malandi ang dating sa pagkanta. Eh, lalo na ang kalalakihan, doble-panalo sila ika nga. Seksi na yung kanta, seksi pa yung kumakanta."
Nang tanungin naman ang "Singing Goddess" kung okey lang sa kanya na andun pa rin yung image niya bilang naughty singer, sagot niya: "Wala siguro akong magagawa diyan. Kung ano siyempre ang gusto nila, ibibigay ko. Ang importante rito, nasisiyahan din sila kahit standard song ang kinakanta ko. At least, kahit yung hindi mahilig sa naughty ay napapasaya ko rin. Ang gusto ko lang namang mawala ay yung akala ng iba na naughty rin ako sa tunay na buhay. Hindi po, simple lang po ako pag wala sa stage."
Sa ngayon ay abala rin si Diwata sa kanyang pagsasanay sa gym at pagsayaw. Pinaghahandaan kasi niya ang mga live shows na iniaalok sa kanya na kung saan ay nais niyang maging sing-and-dance performer. Dahil bata pa, dapat lang na maging versatile siya para magtagal sa limelight. Ayaw niyang maging uso lamang, nais niyang maging bahagi ng showbis sa loob ng maraming taon pa.
"Lahat ay ginagawa ko hindi lang dahil sa materyal na bagay o kasikatan," sabi pa ni Diwata, "kundi dahil na rin sa mga taong nagtitiwala sa akin. Ang Asiatec na nagbigay ng break sa akin, mga mahal ko sa buhay na sumusuporta sa akin at mga reporter na tumutulong sa aking publicity. Sa ngayon ang tanging paraan ng pasasalamat ko sa kanilay mapanatili ko ang aking sarili sa sirkulasyon."
"Basta," biro ng isang fan ni Diwata, "sisid lang siya nang sisid at malayo pa ang kanyang mararating!" (Ulat ni Zar Baisas)