Business venture nina Ronnie at Mariz

Hindi gaanong napansin ni Ronnie Ricketts ang isang taon at kalahati niyang absence sa paggawa ng movies sapagkat lubhang naging abala siya sa isang business venture na bagaman at isang taon pa lamang na naitatayo ay maituturing ng isang tagumpay. Ito ang The Barn, isang simpleng kainan sa Katipunan na ngayon ay dinarayo na dahilan sa masasarap nitong pagkain. Dapat ay matikman n’yo ang specialty nilang "Smoked Tilapia Salad" at sigurado kong babalik at babalik kayo sa The Barn para ito’y muling matikman. Bestseller din nila ang "Mango Cream Cake" na talaga namang kakaiba ang pagkakagawa sa The Barn.

Nagkaroon ako ng pagkakataon na matikman ang cuisine ng nasabing kainan nang magdiwang ito ng kanyang unang anibersaryo last month. Hanggang ngayon ay may offer pa itong malaking discount sa mga kumakain dito bilang pasasalamat nina Ronnie, ng kanyang asawang si Mariz at ng kanilang mga ka-partner sa mga tumangkilik sa kanilang negosyo for the past year.

When an invitation came para sa isang late lunch interview, hindi ako nagpatumpik-tumpik. Sabi ko oorder agad ako ng "Smoked Tilapia Salad" at "Mango Cream Cake". Yung una naka-dalawang servings ako bago pa dumating si Mariz. Unfortunately, hindi na available yung second. "Sorry, madali kasing naubos. Next time, sasabihin kong ipagtira kayo," anang magandang misis ni Ricketts na naamuki niyang muling lumabas sa pelikula.

"Binigla ko ang pagsasabi sa kanya na kasama siya sa Mano Mano 2. Kung inagahan ko ang pagsasabi ay baka tumanggi pa siya. Ayun, galit na galit siya pero, wala na siyang nagawa. Nakita niyang ayos na ang lahat. Ready to shoot na ako," sabi ni Ronnie who is both actor ng director of Mano Mano 2, isang sequel ng Mano Mano na kung saan una niyang napagsabay-sabay ang pagdidirek, pag-arte at pagsusulat ng script. Unang movie rin ito ng kanyang Rocketts Productions.

"Dapat sa Viva Films ito pero, di natuloy. Nainip ako ng paghihintay. When my friend Eric Cuatico of Maverick Films asked me for a project, kinuha ko sa Viva at ibinigay ko sa kanya.

Ang Mano Mano 2 ay isang entirely different story from the original movie. Tungkol ito sa isang retiradong street fighter na gustong masubukan ang galing ng kasalukuyang kampeon na ginagampanan ni Rommel Montano. Ayaw ng has-been na ginagampanan ni Ronnie, isang abogado ang role ni Mariz. Girlfriend naman ni Rommel si Klaudia Koronel.

"Gustung-gusto ko talaga ngayon si Rommel. Ang ganda ganda ng katawan niya. Bagay kaming dalawa sa movie. Parang even ang mga katawan namin, di nakakahiya at realistic kung magkatalunan man kami," sabi ni Ronnie.

Bagaman at isang vanishing breed na si Ronnie in the sense na malinis ang kanyang mga ginagawang movie sa punto ng bold at violence, naglagay siya ng isang sexy scene nila ni Klaudia. "Panoorin n’yo na lang ang movie para makita kung ano ito. One thing is sure, hindi ikinagalit ni Mariz ang eksena at hindi ko naikompromiso ang mga values na kinalakhan ko," pagtatapos niya.

Before, I left the place, bundat na bundat na ako sa mga inorder ng mag-asawa para sa amin pero nangako akong babalik sa The Barn kahit medyo malayo ito sa lugar na aking pinagtatrabahuhan.

"Baka magkaroon kami ng branch sa Morato. May offer sa amin to open a branch there pero, pinag-iisipan pa namin dahil medyo mahal ang lugar," pahabol ng mag-asawa.
*****
Proud na proud naman ang talent manager na si Richard Hinola sapagkat bida na ang alaga niyang si Joanna Gonzales sa Dugo sa Buhangin. Initial venture ito ng Manhattan Asia Production, na pinamumunuan ng isang magandang contractor na pwedeng maging bida ng kanyang pelikula but who would rather build airports and harbors hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa maraming bahagi ng mundo. Siya si Valerie Von Such. "Kung maging maganda ang venture namin we will produce more," anang magandang producer na nahimok gumawa ng pelikula bilang tulong sa isang lugmok ng industriya.

Ilulunsad sa pelikula si Joanna, isang anak ng Amerikanong ama at Pilipinong ina, 16 na taong gulang at nakalabas na sa maraming movies bago naging bida. Kapareha niya si Joko Diaz na may mga matitinding ST scenes kay Stella L.

Ang Dugo sa Buhangin ay nasa direksyon nina Paquito Diaz at Joe Carreon. Tampok din ang isang sexy star na kahawig ni Joyce Jimenez na si Sydney Segovia, at si Angelu de Leon.
*****
Ang Batang Kampeon, ang national singing contest ay may audition tuwing unang Sabado ng buwan. Sa buwan ng Agosto ay may audition sa Aug. 4 sa Unit 715 Globe Telecom Pioneer St. Mandaluyong City

Ang Batang Kampeon ay napapanod na sa RPN 9 tuwing Linggo, 3-4 ng hapon at host sina Pilita Corrales at Carding Castro. Bago makasali sumasailalim pa ang mga kalahok sa isang rigid training at lima lamang ang mapipili para lumabas sa show.

Mga kabataang 8 hanggang 12 na taong gulang ang maaaring sumali sa audition na magaganap mula 12 ng tanghali-4 ng hapon. Dapat may dalang minus one tape ang kalahok at dapat mag-register sa venue.

Para sa detalye, tumawag sa Ultimate Entertainment, 6341720/6341731.

Show comments