KC, di pinayagan ni Sharon sa 'Ang TV'

Ayon sa isang source gustung-gusto pala ni KC Concepcion na makasama sa Ang TV 2 kaya lang hindi pa rin siya pinayagan ni Sharon Cuneta. Hanggang sa komersyal at stage play lang muna ang beauty ng dalagita.

Tiyak na aabangan na ang Little Mermaid na balitang nilaanan ng 10 million budget.
Aya, kasama sa Sexiest Women
Nakakwentuhan ko si Aya Medel na bida sa Dudurugin Ko Pati Buto Mo. Masaya niyang ibinalita na napili siyang isa sa 100 Sexiest Female of the World ng FHM Magazine kasama sina Dina Bonnevie, Ara Mina at marami pang iba.

Very private person si Aya at di mo makitang pakalat-kalat sa mga showbiz affair. Mas gugustuhin pa niyang manatili sa bahay kapag walang ginagawa. Sa Dudurugin Ko Pati Buto Mo ginampanan niya ang role bilang asawa ni Jacky Woo.

Ano naman ang masasabi niya sa kanyang kapareha? "Gentleman si Jacky at tahimik noong una kaming magkasama sa Total Aikido. Pero sa second movie namin ay mapagbiro na siya at nagkakaintindihan lang kami sa pamamagitan ng sign language o kung may interpreter siya.
Allona, pangarap maging prodyuser
Apat na taon na sa showbiz si Allona Amor pero ngayon lang niya nararamdaman na gumagawa na siya ng malaking pangalan sa showbiz. Napakarami ng pelikula niya sa taong ito gaya ng Huli sa Akto katambal si Jestoni Alarcon under Regal Films, Halik sa Aking Lupa under Taurus kasama sina Jeffrey Santos at Raffy Anido, Rosario 18 (Kalapating Putik) katambal si Mon Confiado, Bay Angels under True Colors Productions with Beth Tamayo at Brandon Legaspi, Si Asiong At Si Alembong katambal si Allen Dizon, Unang Patak ng Ulan kasama si Via Veloso muli under True Colors Production.

Kontrabida ang papel niya sa Dudurugin Ko Pati Buto Mo. "Kalaban ko si Jacky Woo sa movie at ako si Lady Dragon. Okey lang na maging kontrabida ako para matikman ko naman ang iba’t ibang role. Gusto kong maging versatile actress," aniya. Para sa kanyang role tinuruan siya ng judo at taekwondo.

Sa dami ng pelikula ni Allona ay natuto siyang magtipid at nakapag-ipon naman kaya nakabili siya ng kotse. Natulungan din niya ang kanyang pamilya sa pagbibigay ng puhunan para sa negosyo kung saan naging fish dealer sila. Ngayong nakikita niyang angat na ang buhay ng pamilya ay gusto niyang ipagpatuloy ang pagpoprodyus ng mga shows sa sarili niyang produksyon na tinawag na Archer Production and Entertainment Network kung saan magkakaroon sila ng series of show. "Magsisimula kami sa Baguio at Pangasinan. Balak ko na kumuha ng tatlong sexy stars na ala- Charlie’s Angels ang dating. Sasayaw sila at kakanta. Balak ko itong gawin ngayong Oktubre. Pangarap ko ring magprodyus ng telesine at hopefully kapag nakaipon ako ng malaking pera ay gusto kong magprodyus din ng quality movies. Hindi naman masamang mangarap di ba, Tita?" pahayag pa niya.

Paborito niyang leading man si Christopher de Leon. Type rin niyang makapareha si Robin Padilla.
Nangangayayat si Rufa Mae
Nakita namin at naka-usap si Rufa Mae Quinto sa taping ng Idol Ko si Kap at ang payat-payat niya ngayon. Tanong nga namin ay kung totoo ngang nagpa-liposuction siya o kaya’y nagparetoke sa Amerika.

Ayon sa aktres ay wala siyang ipinatanggal sa kanyang katawan at lalong walang niretoke sa kanyang mukha. Kuntento na siya sa kanyang katawan at never siyang magpapa-liposuction.

Malapit nang ipalabas ang kanyang pelikulang Radyo katambal si Jeffrey Quizon.
Blind Item: Dalawang sikat na young stars, naglalampungan kahit may nakakakita
Kahit ayaw aminin ng sikat na young actress na ka-on nito ang isa ring sumisikat na young actor ay maraming ayaw maniwala sa kanilang dalawa. Madalas kasing makitang magkahawak-kamay ang dalawa kapag namamasyal sa isang subdivision kung saan nakatira ang magandang aktres. Kahit may nakakakitang kapitbahay ay walang pakialam ang dalawa habang naglalampungan sila sa terasa kapag dumadalaw ang aktor sa dalaga.

Liberated ang aktres at kahit bata pa ay maaga itong nagkaroon ng nobyo. Parehong contract star ang dalawa ng isang major company.

Show comments