FPJ, di sinipot ang Star Olympics

Tradisyon na ang pagdaraos ng Star Olympics sa pamumuno ng Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon upang pagsama-samahin ang mga artista sa ngalan ng pagkakaisa ng buong industriya ng pelikula sa bansa.

Hindi madaling gawin ’yun lalo na nga’t malala ang intriga sa pelikula at telebisyon ngayon. May kanya-kanyang kinasasangkutang intriga ang lahat ng artista simula sa baguhan hanggang sa beterano. Maging ang sports event na ito ay iniintriga.

Pero sa kabila nang lahat ng ‘yun, naging matagumpay naman ang pagsisimula ng Star Olympics ngayong taon sa pamumuno ni German Moreno bilang pangulo ng KAPPT na ginanap sa PhilSport Arena noong nakaraang Sabado.

Si Mark Anthony Fernandez ang nag-sindi ng torch at sumakay din sa air balloon kasama si Carlos Agassi.

Si Christopher de Leon ang nagbigay ng welcome address para sa mga artistang maglalaro na nagsilbi na ring guest speaker dahil hindi nakarating si Fernando Poe Jr., na nauna nang na-press release na magiging guest speaker.

Binigyang diin ni Christopher ang pagkakaisa ng mga bahagi ng industriya para makaahon na sa naghihingalong sitwasyon ng movie industry sa bansa.

At dahil karamihan sa nag-participate ngayong taon ay mga kabataang artista, pinayuhan ng aktor na mag-concentrate sila sa kani-kanilang career at umiwas sa droga dahil wala itong idudulot na mabuti sa kanilang movie career.

Si Christopher lang ang mako-consider na malaking artista na dumalo sa opening. Sa katunayan, habang nanonood ang mga fans ay nagbubulungan at tinatanong kung ano ang mga pangalan ng mga ibang artista na naglalaro.

Halos lahat ng mga artistang babae ay walang make-up kaya makikita mo kung sino talaga ang maganda maliban kina Sharmaine Arnaiz at Isabel Granada na known na laging makapal ang make-up kahit maglalaro lang sa gitna ng napakainit na araw.

Turn-off naman ang mga fans tuwing maririnig nilang nagbibiruan na may kasamang mura sina Katrina Paula, Joanne Quintas, Jackie Forster, Sabrina M. at ilan pang stars na naroon.

Halos kasali naman sa lahat ng laro si Katrina Paula na napabalitang binan ng Star Olympics Committe dahil sa kalaswaan habang nagpa-practice. Sigawan ang mga kalalakihan ng Ms. Abu Sayyaf tuwing makikita si Katrina.

Pinagkaguluhan naman ang swimming event. Halos hindi na ma-kontrol ng marshalls ang taong gusto makiusyoso sa mga naka-swim suit na artista mapa-babae o lalaki man.

Kasama sa mga artistang nagbigay kulay sa 2001 Star Olympics ay sina Janna Victoria, Joanna Gonzales, Klaudia Koronel, Mandy Ochoa, Leonardo Litton, Juan Carlos, Glenda Garcia, Matet de Leon, Jeffrey Santos, Toffee Calma, Aileen Papin, Sabrina M., Angelica Jones, Allan Sia, Joanne Quintas, Maricel Morales, Jackie Forster, LJ Moreno, Leandro Litton, Yul Servo, Allona, Rochelle Barameda, Isko Moreno at marami pang iba. Present din si Atty. Experidion Laxa at Tessie A Celestino, JH., Airtime Marketing president.– Lanie Sapitanan

Show comments