Para rin kay Judge Espie Fabon ang Father's Day

Dapat ay noong Mother’s Day pa naisulat ang column na ito tungkol kay Judge Esperanza Fabon, dating sikat na singer at artista sa TV at pelikula. Isa kasi siya sa mga dakilang ina na talagang nagsikap maitaguyod ang kanyang mga anak. Kung meron mang deserving na bigyan ng Mother of the Year award, ito ay si Ginang Hukom.

Pero bagay din naman pala siyang itampok ngayong Father’s Day, dahil siya pa rin ang tumayong ama ng kanyang tatlong anak na babae mula ng maging biyuda siya ng dating police officer na si Jimmy Victorino.

Mag-isa nga niyang pinalaki at naitaguyod ang buong pamilya. Ngayon ay graduate na sa college ang panganay at may stable job samantalang ang dalawa ay nasa kolehiyo pa.

Kailan lang ay nagkita kami sa airport ni Hukom Fabon. Namamasyal silang mag-anak sa Hong Kong. Nakakatuwa silang apat, dahil para lang silang magkakapatid o magbarkada, although higit na matatangkad kay Espie ang kanyang dalaga.

Sa Regional Trial Court ng Pasig naka-assign si Espie, simula nang mai-promote siya bilang judge. Dati’y sa Solicitor General’s office ang destino niya.

Sa apat na taon ay di mabilang na mga kaso na ang inakyat sa kanyang sala. Tuwing mga kapwa niya babae at mga bata o menor de edad ang sangkot sa kaso, iba ang pakiramdam ng Hukom.

Lalo pa’t sa mga oras na kailangang magpiyansa kung kailangan niyang mag-overtime o lampas na sa oras ay pinagbibigyan niyang maayos at mapirmahan agad ang mga papeles upang makapagpiyansa at makalayang pansamantala.

"Lalo pa nga’t buntis ang babae," sabi ni Espie. "Nakakaawa naman na patulugin agad sa detention cell kahit hindi pa nalilitis o napatunayang nagkasala."

Kahit kung minsa’y non-bailable ang offense, nakakakita ng sapat na dahilan ang Hukom, simply for humanitarian reasons.

Sa mga karanasan ni Judge Fabon sa RTC, maaari na siyang makabuo ng isang libro, na pakikinabangan ng mga law students at magiging interesanteng babasahin para sa general public.

Sa mga nakasabay ni Espie sa showbis noon, masasabing isa siya sa mga naging pinaka-successful. Kahit hindi masasabing ubod siya ng yaman, higit na yamang maituturing ang paglilingkod na binigay niya sa kanyang mga anak at sa kanyang kapwa tao.

Siyanga pala, may isang bagay na kulang kay Espie ngayon. Matagal na siyang hindi kumakanta sa harap ng publiko.

"Nakakakanta lang ako kapag namumuno sa Pambansang Awit, tuwing may mga pagtitipon kaming mga judges," nakangiting kuwento ni Espie.
*****
Sa paglalahad naman ni Zsazsa Padilla, nalaman namin na mula pagkabata ay talagang well-behaved na at mabait ang kanyang anak na si Karylle.

"Kahit minsan ay hindi ako binigyan ng problema ng anak ko," sabi ni Zsazsa. "Ngayon I’m a proud mother dahil may sariling album na rin siya at nakikilala na siya sa showbis"

Marami ang nagulat nang makita si Zsazsa sa launching ng "Time To Shine" album ni Karylle. Ngayon ay alam na ng lahat na all-the-way ang moral support na bigay ng ina sa anak. Dagdag pa ni Zsazsa, masuwerte si Karylle dahil noong siya ay nag-umpisang mag-artista. Hindi katulad ng suporta sa kanya ang naranasan niya.

Tuwang-tuwa ang ina dahil nakita niya ang todong suporta ng Universal Records kay K, pati na ang sama-samang suporta ng print media, radio at TV sa bagong popstar.
*****
Kung papanoorin ang trailer ay talagang very realistic ang mga fight scenes ni Robin Padilla sa bagong pelikulang Buhay Kamao mula sa Viva Films.

Tiyak na maraming sakit ng katawan ang tiniis ng aktor. Lalo na ang finale bout niya laban kay David Bunevacz na isang higante kung ikukumpara sa katawan ni Binoe.

Tulad ng bawat mandirigmang Pinoy, higit na tumatapang at nagkakaroon ng ibayong lakas si Binoe habang nasusugatan o nasasaktan. Kaya’t posible namang magiba niya ang isang tore ni David sa Buhay Kamao.

Show comments