Tigilan n'yo na sina Aga at Charlene

Mabuti naman at kumikilos na ang mga ahensya ng Videogram Regulatory Board at Philippine Association of the Record Industry, Inc. para tutukan ang problema ng piracy sa ating bansa. Ang piracy ang isa sa dahilan kung bakit nalulugi ang mga producers natin.

At kung bakit unti-unti nang namamatay ang industriya natin. Biruin mo mapa-local o imported na video, film, cinematography na pirated ay lantarang dinidistribute at ipinagbibili kahit labag sa batas.

Hindi lang iyon, ang piracy ay rampant din sa mga recording and music tapes natin. Bilang pangulo ng KAPPT, ako ay nakikiisa sa layunin ng VRB at PARI.

Kailangan nating magkaisa upang sugpuin ang problemang ito sa ating industriya.

Maganda ang isang suggestion ni Rico Puno na ilapit din natin ang problemang ito sa mga mayor natin.

Kung saan mismo sa paglabas mo pa lang ng City Hall, palengke at dyan lang sa tabi-tabi ay mabibili mo na ang mga pirated tapes na ito.

Di ba malaki ang magagawa nila para kontrolin o ipagbawal ang talamak na bentahan sa kanilang mga nasasakupan?

Maging si Freddie Aguilar ay nagmungkahi rin na itaas ang pataw na parusa sa mga nahuhuling nagbebenta nito.

Dahil nga naman kung tutuusin ay pagsasabutahe ng ating ekonomiya na ring maituturing ang piracy sa ating bansa.

Sana nga ay maisakatuparan agad ng dalawang nabanggit na grupo ang kanilang mga plano at adhikain upang maiahon naman natin ang nalulunod na industriya natin.
* * *
Nalulungkot naman ako sa nangyayari sa bagong kasal na sina Aga at Charlene Muhlach.

Nagsisimula palang ang mag-asawa sa kanilang bagong buhay, pero ito at may problema agad silang kinakaharap.

Basta ang mahalaga ay maging matatag kayo at laging harapin ang mga problema na kayo mismong dalawa ang magkasama.

Ngayong maluwag na ang schedule ni Aga ay mahaharap na niya ang pagpo-promote ng bago niyang pelikula katambal si Regine Velasquez na Pangako Ikaw Lang.

Ito rin ang theme song ng kanilang pelikula.

Mismong si Regine ang kumanta nito na ngayon palang ay nagna-number one na sa mga radio stations.
* * *
Kung may reason tayo para malungkot ay may dahilan din tayo para magsaya. On my part ay natutuwa ako na nakikita ang pagpapalitan ng dalawang malalaking TV network ng kani-kanilang artists. Sa Master Showman na lang, kapag kailangan ko ang mga talents ng Dos ay pinauunlakan naman ako agad. Kahit last minute na kailangan nilang mag practice para sa number na ipi-present nila sa show ko. Katulad last Saturday na hinatak ko si Shaina Magdayao ay hindi naman ako binigo. Napapanood na rin natin si Jolina Magdangal na nagpo-promote ng kanyang latest album na "Red Alert" sa GMA. Pati na rin ang iba niyang kasamahan sa ABS-CBN. Maging ang iba pang artist ng GMA ay lumalabas na rin sa Channel 2. O di ba lahat ay masaya sa ganitong patakaran? Basta ba magpaalam at mag-usap ng maayos ang gustong manghiram ng mga talents. Nabibigyan pa natin ng trabaho ang mga artist natin lalo na ngayon na naghihigpit ang showbusiness.
* * *
Hindi pa man nagsisimula ang bagong artist na si Lance Raymundo na pormal na pumorma sa mahusay at magandang TV host-actress na si Dina Bonnieve ay iniintriga agad ng mga nakapaligid sa kanila. Kung hindi n’yo pa alam si Lance ay open sa pagsasabing type niya si Dina. Bakit may masama ba dun? Pareho naman silang libre. Wala naman sigurong problema kung edad ang pag-uusapan. Marami naman ang nagkakasundo kahit malaki ang gap ng mga edad nila di ba? Anyway, nag-number one na sa mga radio stations ang kanyang "Hope for Lonely Hearts". Ngayong buwan ng Hunyo ay lilibot si Lance ng ibang bansa para sa kanyang bagong album gaya ng Thailand, Australia at Bangkok.
* * *
Ngayong Sabado na ang simula ng pagbubukas ng Star Olympics 2001. Umaraw man o bumagyo ay wala nang makakapigil sa taunang palaro ng Kapisanan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon. Go Kayo.

Show comments