May 2 imports sa Mutya tilt

Traffic na naman sa paligid ng Sulo Hotel nung Miyerkules ng tanghali. At hindi ito karaniwang nangyayari. Minsan lamang sa isang taon, kapag panahon ng Mutya ng Pilipinas. Lalo na nung araw na ang lahat ng kandidata ay ipinapakilala sa media. Sa mga hindi nakababatid, ang Sulo Hotel ang official residence ng mga kalahok sa napaka-prestihiyosong patimpalak kagandahan na ito na sa kanyang ika-34th na taon, kapartner ng pakontes ang most awarded television network ng GMA.

Ang Mutya ng Pilipinas 2001 ay isang showcase ng bagong henerasyon ng mga Pinay, mga babaeng hindi lamang ismarte at magaganda kundi determinado at puno ng pangarap.

Dalawampu’t lima ang kandidata sa taong ito. Ang mananalo sa Grand Coronation Night na magaganap sa Sabado, Hunyo 9, 2001 sa NBC Tent at mapapanood ng live sa GMA sa ika-9:00 ng gabi ay makikipag-compete sa Miss Asia-Pacific Quest. Ang mga runners-up ay ipadadala naman sa maraming international pageants –Queen of Clubs, Miss Intercontinental. Queen of the Year at Miss Tourism International.

Dalawa sa kalahok sa taong ito ay mga imports. Ang isa, si Michelle Ann Perez ay mula sa California, USA. Nineteen years old siya, may taas na 5’5 1/2" at kumuha ng sports medicine. Ang ikalawang balik-bayan ay si Abigail Abalos, 18 taong gulang, may taas na 5’6 1/2", at laking London. Tuwing bakasyon, sumasama siya sa kanyang pamilya na magbakasyon dito.

Ang iba pang candidates ay sina Nuriza Abejar, QC; Rosemarie Cepida, Iloilo City; Sandra Rebancos, Kalinga Province; Athena Claveria, QC; Aireen Enguito, Mandaluyong City; Mimilanie Lisondra, Bacolod City; Hazel Gamilla, Laguna; Jackie Garcia, Cebu City; Juneth Nitro, Laguna; Alta Recdor, Pasig City; Gemma Grace Auxtero, Marikina City; Carla Paz Miller, Davao City; Anna Bernal, Batangas City; Janice-Gay Alop, Olongapo City; Cathrina Magbanua, Muntinlupa City; Chopen Albances, Cavite City at Darlene Carbungco, Angeles City.

Kapansin-pansin na maraming magagandang kandidato this year but, unfortunately, hindi sila gaanong matataas. Pinaka-matangkad sa grupo ay may taas na 5’10 (Mary Jane Isip, Sampaloc) pero marami ang 5"5", at 5’6" lamang. Mayroon pang mas mababa. But what do you expect, Pinoy tayo, at hindi noted sa ating katangkaran. Ang mga matatangkad lamang ay sina Girlie Gesta, 5’7"(Davao); Evangeline Abadam, 5’8" (Olongapo), Maria Celine Carpena, 5’7" (Taguig).
*****
After seven years, ay nagbabalik si Rowell Santiago sa pagdidirek ng pelikula sa pelikula ng bagong tatag na Maverick Films, ang Luv Text.

Last directorial chore niya ang Forever na tinampukan nina Aga Muhlach at Mikee Cojuangco. Marami naman siyang tinanggap na offers after this pero, wala siyang nagustuhan ni isa man.

"Mahirap namang basta na lang ako tatanggap na di ko masyadong pag-iisipan. Ayoko namang mag-breadtrip. Kaya naghintay na lang ako ng magandang offer," sey niya.

Hindi naman siya nabakante. TV at concerts ang inasikaso niya. Nakatrabaho niya sina Gary V., Pops Fernandez, Agot Isidro, Ogie Alcasid, Jaya at Sharon Cuneta.

Sa TV ay dinirek niya ang Sharon at ang nawalang It’s a Fanny Day.

Ang Luv Text na sinulat ni Raquel Villavicencio ang umayon sa panlasa ni Rowell. "Hindi lang ito basta love story. Kasama rito ang pamilya at mga kaibigan. Ito ang gusto kong gawin dahil kuha nito ang pulso ng kabataan," dagdag pa niya.

Approved din siya sa cast ng movie na pinangungunahan ni Judy Ann Santos. "Tamang tama siya sa role ni Melissa. Mahusay siyang artista at makikita ito sa pelikula namin," pagtatapos niya.

Kasama rin sa Luv Text sina Wowie de Guzman, Carlo Muñoz, Luis Alandy at ang newcomer na si Russel C. Mon.

Show comments