Ayon sa isang source, nagtatampo si Mikey kay Judy Ann dahil sa hayagan daw nitong pagiging pro-Erap. Nagpunta pa raw si Judy Ann sa EDSA Shrine nu’ng kasagsagan ng EDSA 3 pero hindi lang daw ito bumaba ng kanyang sasakyan, bagkus ay nagpadala na lang ng mga pagkain.
Nu’ng makarating naman ito kay Judy Ann, hindi raw niya nagustuhan ang naging attitude ni Mikey. Si Judy Ann naman daw ang sumama ang loob para sa presidential son.
Dahil sa pangyayari, nag-dedmahan daw ang dalawa sa last shooting day ng kanilang movie. Naging kapansin-pansin daw sa set ang pagiging cold nila sa isa’t isa.
Agad naman naming tinawagan ang tinaguriang young superstar sa kanyang cellphone para kumpirmahin ang mga bagay na ito.
"Pati ba naman kami ni Mikey, kailangang pag-awayin?" balik-tanong ng lead star ng Luv Text ng Maverick Films.
"It’s true na nag-last day na ako sa movie namin, pero bakit naman kami magde-dedmahan? Walang dahilan para maging cold kami. Wala pong ganyang pangyayari.
"Kami ni Mikey, kahit na kailan, hindi namin napag-usapan ang tungkol sa politics. Pagdating sa ganyang usapin, dedma kami pareho. Never na naging topic namin ’yan.
"Wala rin po ako nu’ng EDSA 3. That time, if I’m not mistaken, nasa Cebu po ako. Nagtatrabaho ako. But if ever, wala rin naman sigurong masama kung nasa EDSA 2 ako or 3. Kani-kanya rin lang tayo ng opinyon at paniniwala."
Pero pro-Erap nga raw ba siya?
"Secret. Sa akin na lang ’yon. Basta Pilipino ako," ang tanging matipid na sagot ni Juday. (Ulat ni Robert Perez)