Milyon ang halaga ni Ace Vergel

Close to P5M daw ang ibinayad ng FLT kay Ace para sa comeback movie niya, pero sabi ni Mommy Rose Flaminiano sulit naman ito sa trabahong ipinakita ni Ace.

"Mahal talaga ang talent fee ni Ace, pero Ace Vergel naman siya at ace action star din kaya ibinibigay ko yung dapat sa kanya. Sabi nga nila, wala pang nag-flop na movie si Alas, di ba?" pahayag ni Mommy Rose.

Nakagawa na ng malalaking action films ang FLT Films tulad ng mga pelikula nina Rudy Fernandez (Bingbong Crisologo Story), Eddie Garcia (Padre Amante), Fernando Poe, Jr. (Epimaco Velasco Story), Robin Padilla (Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib). Ang Carta Alas ni Ace Vergel ay katulad din ng mga naunang malalaking pelikula na ginawa ng FLT Films.

Magsisilbing comeback movie ni Ace ang Carta Alas. Nawala siya for a time sa pelikula. "Mahal ko ang pag-aartista ko. Malaki ang nagawa nito sa buhay ko, sa pamilya ko, kaya kung meron din lang pagkakataon at panahon, tumatanggap pa rin ako ng pelikula," sabi pa ni Ace.

Si Jose Carreon ang sumulat at nag-direct ng Carta Alas (Huwag Ka Nang Humirit). Suportado si Ace nina Wowie de Guzman, Efren Reyes, Jean Saburit, Dick Israel, Piel Morena, Alvin Anson at Antoinette Taus. Palabas na sa Mayo 30.
*****
Inilunsad ang 2nd Annual Star Cinema Scriptwriting Contest. Bukas ito sa lahat ng Pilipino, may 18 taong gulang pataas na nagnanais na sumulat ng full length narrative manuscripts para sa pelikula ng kahit anong genre. Yung mga nagawa na ay maaari pa ring isumite basta hindi pa ito nananalo sa kahit na anong paligsahan ng scriptwriting. Gayundin ang mga script na ipinasulat ng ibang produksyon. Hindi maaaring sumali ang mga kabilang sa Star Cinema’s pool of writers.

Ang nanalo ng 1st prize last year, ang Jologs ni Ned Trespeces ay nakatakda nang isapelikula ngayong Hunyo sa direksyon ni Joyce Bernal. Ang dalawa pang winners, ang Kutos ni Rogelio Ramos (2nd) at 1.00/Min. ni Paolo Herras (3rd) ay iniaalok na rin sa mga top directors. Ang hindi nanalong Videoking na isinulat ni Ramon Sarmiento pero nakabilang sa top 12 ay nagsimula na ng produksyon sa direksyon ni Jerry Sineneng. Tampok sina Robin Padilla at Pops Fernandez.

Para sa mga interesado, tumawag sa 4147820/4152272. Pwede ring mag-email sa star script@ abs.pinoy central. com o bumisita sa website na www.abs-cbn/star cinema/contest.com.
*****
Biglang nagbago ng istilo ng pagdidirek si Roland Ledesma sa pelikulang Pilak, pinaka-latest movie ng MMG Films Int’l. at tinatampukan nina Ronald Gan Ledesma at John Regala. Kung dati-rati ay pure action ang ginagawa niya na nagtatampok sa kanyang anak na si Ronald, sa Pilak ay binigyan niya ito ng maraming love scenes na maaaring magbigay sa kanila ng bagong imaheng ST director and actor. Yes, maninibago ang mga followers especially ni Ronald sa kanyang kakaibang role sa movie pero ayon sa kanyang amang direktor ay gusto lamang niyang makiuso. The love scenes definitely give Pilak a different flavor.

Maganda ang konsepto ng pelikula tungkol sa 30 pirasong pilak na ibinayad kay Hudas sa kanyang pagkakanulo kay Hesus. Nagpasalin-salin na ito sa iba’t ibang kamay at sa kasalukuyang panahon ay nagkakahalaga na ito ng bilyong dolyares kung kaya lahat kabilang na ang Pilipino ay nagnanais na mapasakamay nila ito. Gagawin nila ang lahat ng paraan na makuha ito sa kamay ng mga Arabyano na kasalukuyang nagmemeari nito.

Tampok sa pelikula ang ilang mga foreign actors and actresses na binigyan ng malaking roles sa pelikula.
*****
Totoo nga kaya na kaya wala pang boyfriend si Yam Ledesma ay ayaw siyang payagan ng kanyang ina? Kung sakali, she’s missing a lot in her life. Ang pagkakaroon ng relasyon ay isang malaki at napaka-mahalagang bahagi ng buhay. Makatutulong ito ng malaki sa kanyang magiging growth hindi lamang sa kanyang pagiging artista kundi maging sa personal niyang buhay.

Pero, okay lang si Yam na hindi muna magkaroon ng relasyon. "Busy ako sa pagpapapayat. Wala tuloy manligaw sa akin, baka pag pumayat ako magkaroon ako ng suitors," sabi niya. Aside from her album with MMG Records, kasalukuyan niyang ginagawa ang Okay Ka Lang starring Angelika dela Cruz at Patrick Ervin Mateo. Natapos na niya ang Mahal Kita Kahit Sino Ka Pa topbilled by Judy Ann Santos and Mikey Arroyo.

Show comments