Buong bahay ni Rica, pinuno ni Bernard ng mga bulaklak

Bagaman at parehong itinatanggi nina Rica Peralejo at Bernard Palanca na mayroon na silang ugnayan, ayaw maniwala ng mga press dahil may nakausap sila na isang reliable source na nagsabi na nung birthday ni Rica (March 7) ay sinagot na niya ang binata. Katunayan daw ay pinuno ni Bernard ng napakaraming bulaklak ang buong kabahayan ni Rica bilang birthday gift.

Tatlong malalaking florists ang pinag-orderan nito ng bulaklak. Bagaman at ang ideya ay hindi orihinal sapagkat may mga artistang lalaki na raw ang gumawa nito, na-excite si Rica sa naganap and that she would treasure the memory in her heart.

Samantala, abala sa kasalukuyan si Rica sa promotion ng kanyang pinaka-latest movie with Robin Padilla, ang Buhay Kamao. Tungkol sa mundo ng boksing na katulad ng ibang bagay sa mundo ay mayroon ding dark side, may nagaganap na dayaan.

Si Robin si Pepe, kapatid ng isang boksingero na namatay sa ring. Sa kagustuhang magkaroon ng madaling pera ay pumayag si Robin na ilaglag ang isang malaking laban.

Si Rica si Vilma, isang kaibigan na palaging ang away nila ng kanyang boyfriend (Raymond Bagatsing) ay inaayos ni Robin. Sina Badon (Bobby Andrews), Badong o Scarlet (John Lapus) at Dekdek (Kristine Mangle) ang mga kaibigan at kabarkada ni Robin. Nagkaroon muli ng isang malaking laban si Robin. Nangako siya sa lahat na hindi na niya ito ilalaglag.

Ang Buhay Kamao ay nasa direksyon ni Bb. Joyce Bernal.

Kasama rin sa pelikula si David Bunevacz. Sinabi niya during the presscon of the movie na wala siyang speaking lines sa pelikula.

Marami ang na-disappoint sapagkat walang mga love scenes sa movie sina Binoe at Rica. Hindi raw kailangan.

"Babawi na lang ako sa next movie ko," pangako ni Rica.

Show comments