A most important young actor

At 15 years of age, sa Setyembre pa siya magiging 16, hindi pa maituturing na ganap ng binata ang young actor na si Carlo Aquino. Napaka-batang isip pa niya. Pati ang attitude niya sa trabaho ay hindi pa rin perpekto. Sa shooting niya para sa pelikulang Minsan May Isang Puso ay kinailangan pa siyang i-motivate ng husto ng kanyang direktor na si Joey Javier Reyes para ma-portray niya ng maganda yung eksena nang mamatay ang kanyang comatose na ama. Pero, ang maganda kay Carlo, once na makuha niya ang mood, tuloy-tuloy na. Nagawa niyang makapag-deliver ng isang napakahabang monologue nang maganda at walang ka-effort-effort. "Marami akong ganitong eksena sa movie, most of them kasama yung gumaganap ng role ng aking ama. Ako lang madalas ang nagda-dialogue," sabi niya sa isang tete-a-tete kasama ang ilang piling entertainment writers.

Sa kabila ng kanyang kabataan, kinakikitaan na si Carlo ng isang talino sa pagganap, na naglalayo sa kanya ng milya-milya sa kanyang mga kasabayang young stars. May kakambal pa siyang swerte sapagkat ang mga proyekto na tinatanggap niya ay pawang magaganda at nasa direksyon pa ng pinakamagagaling sa industriya. Pinaka-magagaling din ang mga co-stars niya. Gaya ng Bata Bata Paano Ka Ginawa ni Chito Roño na tinampukan ni Vilma Santos, ang Minsan May Dalawang Bata ni Carlitos Siguion Reyna, isang all star cast, ang Sugatang Puso ni Joey Reyes kasama si Lorna Tolentino at ito ngang nakatakdang ipalabas na Minsan May Isang Puso na kung saan ay kasama niya sina Jaclyn Jose at Ricky Davao. Gagawin din niya ang Mindanao para sa Star Cinema kasama si Cesar Montano sa direksyon ni Marilou Diaz Abaya.

Sa kabila ng maraming papuri, hindi aware si Carlo na may ipinamamalas siyang kakaibang talino sa pagganap dahil sa mahigit sa 10 pelikula na ginawa niya, iisa lamang ang napanood niya. Ito ang Cedie na first movie niya at intended for general patronage. Lahat ng mga sumunod na mga pelikula niya ay pawang R18 ang ratings. "At kahit pwede kong panoorin ay hindi ko gagawin," aniya. "Hindi ako nanonood ng mga pelikula ko dahil nahihiya ako at natatakot na makarinig ng hindi maganda kapag nanonood na ako. Maski nga sa radyo ayaw kong marinig ang boses ko. Yung mga promo ng records namin ng JCS, kapag naririnig ko sa radyo ay iniiba ko ang istasyon," imporma niya.

Hindi alam ni Carlo kung gaano na ang halaga niya o kung ilan na ang ipon niya sapagkat ang kanyang ina ang nag-aasikaso nito. Pero, "May dalawang lupa na ako at may isang Toyota Revo," pagmamalaki niya.

Pagkatapos ng high school, balak niyang kumuha ng architecture o fine arts sa college. Sa ngayon, pangako niyang magko-concentrate sa kanyang studies. Fourth year na siya sa pasukan sa ABS-CBN Distance Learning Center. Isang buwan din siyang tinanggalan ng celphone ng kanyang mother nang bumaba ang grades niya. "Good boy naman ako unlike the roles that I usually portray in my movies. Nagkulang lang siguro ako ng concentration," sabi niya.

Show comments