"Ito na talaga ang pinaka-ambisyoson kong proyekto," wika ng beteranong direktor na si Philip Kho. "Noong una’y atubili akong gawin ito dahil limitado ang budget at mahirap pagsamahin ang mga artistang manggagaling pa sa iba’t-ibang bansa. Pero, nang siguruhin sa akin ng prodyuser na siya na ang bahala sa naturang problema, ipinokus ko na lang ang aking sarili sa ikagaganda ng pelikula. Maaaring hindi ito singlaki ng X-Men pero sulit din naman na ikumpara."
Sa pelikula, isang siyudad ang nasa kontrol ng mga kriminal. Ang mga ordinaryong tao’y walang mahingian ng tulong. Tipong wala na silang magagawa para pigilan ang pang-aapi sa kanila. Pero dahil sa makabagong teknolohiya’y nagkaroon sila ng pag-asa. Sa isang pindot sa buton, sumulpot ang isang grupo ng mga misteryosong pulis na nagdeklara ng giyera para ibalik ang pagkilala sa batas. Kaya lang, hindi ganoon kadali. Handa rin pala ang mga kriminal na sila’y tapatan. Isang pambihirang sagupaan ng mabuti at masama ang magaganap.
Iprinodyus ng Solar Films, ang Xtreme Warriors (Mga Taong X) ay pinangungunahan ng kontrobersyal ngayon na si Zoren Legaspi sa kanyang unang hakbang para makamit ang tunay na international stardom. Kabituin din sina Cynthia Luster, Darren Shahlavi at Lee Kwang Soo. Kinunan ito sa loob at labas ng ating bansa.