"Mahirap talagang kalimutan ang trabaho na natutunan mo nang mahalin. Hahanap-hanapin mo talaga," excited na sabi ni Spencer na ang tinutukoy nga ay ang dati niyang trabaho na umarte sa screen.
Almost two years ding nawala sa business si Spencer. Naging isyu nga ang paghiwalay niya sa Streetboys at ang namuong gap sa kanila ni direk Roño.
Ang maganda naman kay Spencer, hindi pa rin siya nakakalimot sa mga nagawa at naitulong sa kanya ng dati niyang manager.
"Alam ko naman sa sarili ko na may mga pagkakamali rin talaga ako. And one thing I can say is that, hindi puwedeng mawala ang utang na loob ko kay Boss Chito," sabi pa niya.
Pero ano nga raw ba ang masasabi ni Spencer sa pagsulpot ni Danilo Barrios na siyang pumalit sa kanya sa Streetboys? Sikat na sikat na ito ngayon at malaking sampal daw ito sa kanya?
"Well, I’m happy dahil naka-recruit ulit ang Streetboys ng isa pang potential. At least, ‘yung pumalit sa akin, may karapatan din talaga. Hindi na sila nahirapan.
"Unfair din lang na pagkumparahin kami dahil magkaiba naman kami ng time sa pagpasok dito. Ang pangit pakinggan na sampal siya sa akin. Hindi maganda na intrigahin at pag-awayin pa kaming dalawa!," pag-iwas naman kaagad niya. (Ulat ni Robert Perez)