Ford Expedition ni Ara Mina, regalo nino?

Nagsisimula na ang second quarter ng taong 2001 pero wala pa ring ginagawang pelikula ang Millennium Goddess na si Ara Mina. Mukhang sa kanyang singing career na lang magko-concentrate ang dalaga.

"May mga offers din naman sa movies, meron nga sa Viva kaya lang hindi na natuloy. Nagkaro’n ata ng problema si kuya Dondon (Monteverde, manager) sa budget. Meron din sa Star Cinema. ‘Yung sa Star posibleng gawin ko ngayong May pero di ko pa alam kung sinong makakasama ko rito.

"Meron din dapat akong gagawin sa Regal, pero hindi muna ata matutuloy kasi meron ngang konting problema ngayon. ’Yung sa Star, kung matutuloy, baka ’yung Laurice Guillen movie na matagal ko nang pangarap," kuwento ni Ara Mina.

Ang pagiging sobrang hectic ng schedule ni Ara ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa siya makagawa ng pelikula. Naka-concentrate ngayon ang atensyon ng dalaga sa promo ng kanyang second album under Star Records _ang "Heavenly" kung saan ang carrier single ay ang kantang "Ooops Teka Lang".

"Grabe ang schedules ko ngayon compared last year. Ang daming shows na pumapasok. Minsan nga, ako na ang nakikiusap sa Backroom at kay Kuya Dondon na huwag na lang tanggapin dahil hindi ko na kaya, pero ‘yung iba, dinodoble nila ang talent fee ko para lang tumango ako. So, alangan namang tumanggi ako sa grasya, di ba?" sabi pa niya.

Katas din kaya ng mga raket niya sa singing ang bagong white Expedition na ginagamit niya ngayon? Hindi ba ito regalo ng kung sino na namang politician?

"Uy, hindi ha!" tili agad ng aktres. "Parang hindi ko naman kayang bumili ng bagong sasakyan," dagdag pa niya. "Tapos ko na kasing bayaran ‘yung Mark III ko kaya puwede na ulit akong kumuha ng bagong sasakyan.

"Hindi ’to regalo ng kung sinuman, ’no! Katas ito ng mga pagpupuyat ko sa mga shows na ginagawa ko," paglilinaw pa niya.

Nag-worry si Ara dahil kamakailan lang ay na-X ang carrier single niyang "Ooops Teka Lang". "Nu’ng nalaman ko nga ’yon, eh, paulit-ulit kong pinakinggan yung song. Wala naman akong nakitang masama. Hindi naman bastos ’yung kanta.

"Ang ayaw pala nila sa song, eh, ’yung part na merong "ipasok mo". Bastos daw ang dating no’n. Pero ngayon, okey na. Ang ganda nga ng air play, eh. ‘Yung ibang mga bata nga, kinakanta na ‘yung song ko."– Leo Bukas

Show comments