Sobra raw ang paghihigpit ngayon ng MTRCB pero patuloy pa rin ang pagpo-project ng mga bold films. Bukod sa mga pelikulang hindi naipalabas noong panahon ni Erap gaya ng ’Wag Kang Kikibo, may mga pelikulang ginagawa tulad ng Tikim, Ocho, Mahilig at ilan pang mga bold movies na low-budget na gusto ng mga producers na ipalabas ngayon bago pa maging bantilawan nang husto. May project din daw na may titulong Anak ng Pari na bold din.
Ang sabi ng ilan, pag naghigpit ang mga censors, balik singit na naman sa probinsiya. Iyon ay ang pagpapalabas ng X-rated scenes na isinisingit sa mga MTRCB approved versions. Mauuso na muli ang mga gawaing ito sa hangad ng mga may-ari ng sinehan na kumita.
Una kong nabalitaan ang tungkol sa Maverick Films noong Enero o Pebrero na dahilan nga raw sa mga political developments sa ating bansa na di inaasahang magpapatalsik kay Erap bilang pangulo, ang Millennium Films na alam ng lahat na owned and managed by Erap’s relatives and some other investors, ay magsasara muna sumandali bilang Millennium at magiging Maverick na ang pangalan. Ang Millennium ay natatag noong bago dumating ang bagong milenyo. Ayon sa mga tagapagsalita ng Maverick iba ang management ng Millennium sa bagong tatag na movie outfit.
Ang sabi ni Mr. Cuatico, baka ang perception ng mga tao na ang Millennium at Maverick ay iisa sa dahilang ang mga state-of-the-art equipment ng nagsarang film outfit ay nirerentahan o nabili na ng bagong kumpanya at ang opisina nito ay nasa dating opisina ng Millennium. Pero ang Maverick ay sadyang ibang kumpanya na may sariling administrasyon at operasyon. At patutunayan daw iyon ng Maverick sa kanilang mga produksyon. Unang offering ng Maverick ay ang Luv Text na si Judy Ann Santos ang female lead and reunited with her ex-sweetheart Wowie de Guzman.
May tatlo pang leading men si Juday rito na pawang mga guwapong commercial models tulad nina Carlo "Billy" Muñoz, Luis Alandy at Russell C. Mon. This is a contemporary romantic comedy about the present generation of texters who use the cellphones as their primary instrument of communication and the main conduit in conducting their love affairs and other personal matters. Ang texting ay ang bagong pamamaraan ng pakikipag-ugnayan ng mga kabataan. Hindi na nga uso ang love letters –yung bang ibinubuhos ng iyong suitor ang lahat ng kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng pagsusulat, kuntodo stationery na mabango pa kung minsan. Ngayon may E-mail na nga at internet chat na mas madali at walang hassle din kung magte-text ka na lang. Medyo may pagka-informal pero mas madaling magkaintindihan na hindi na bibilang ng araw upang maipahiwatig mo ang iyong feelings. Marami na ngayong nagiging mag-on at nagbe-break din sa loob ng ilang araw sa pamamagitan ng text.
Magbabalik pelikula ang direktor na si Rowell Santiago matapos ang kanyang matagumpay na huling movie na Forever starring Mikee Cojuangco at Aga Muhlach. Hindi naman nawala sa sirkulasyon si Rowell pero nag-concentrate muna siya sa pagdidirek ng mga concerts at mga TV shows habang naghihintay ng isang magandang movie project na sa tingin niya ay aayon sa kanyang panlasa. Ayon naman sa scriptwriter ng Luv Text na si Raquel Villavicencio, hindi naman siya nahirapan sa pagko-conceptualize ng istorya kahit ang makabagong henerasyon ng mga kabataan ang sentro ng pelikula at ang texting nga ang siyang premise nito.
Bilang isang manunulat hindi siya maaaring mamili kung ano lang ang gusto niyang isulat. Hindi porke’t wala siyang karanasan sa mga ganitong bagay ay hindi na siya makakabuo ng isang coherent story about it dahil may ibang paraan naman na magagamit tulad halimbawa ng pagsasaliksik.
Isang malaking presscon ang isinagawa ng Maverick Films noong isang araw dahil tatlong pelikula kaagad ang kanilang ipino-promote para sa kanilang opening salvo. Una na nga ang Luv Text at kasalukuyang tinatapos ang pelikulang Mananabas starring Cesar Montano. Siya rin ang tumatayong direktor nito. Makakapareha niya rito ang reigning Mutya ng Pilipinas na si Josephine Canonizado. Flattered daw umano si Jo dahil siya ang napili ni Cesar sa dinami-dami ng maaari niyang pagpilian bilang leading lady. Bale si Josephine at si Russell C. Mon ang mga ginu-groom para maging malaking contract stars ng Maverick Films.
Ang pangatlong offering ng Maverick ay ang reunion movie of sorts ni Ronnie Ricketts at ng kanyang asawang si Mariz at ito ay may pamagat na Mano-Mano 2.
Ayon kay Ronnie this is an entirely different movie from the first one at ang huli nilang ginawang movie together ni Mariz ay noong 1995 pa. Naka-line-up din ang isang kuwelang pelikulang pagsasamahan ng mga nangunguna ngayong mga comedians na sina Michael V. at Bayani Agbayani.