'Live Show': Ano ang nakita, depression o sexual escapades?

Alam ni Jose Javier Reyes na ang mga moralista o moral guardians ay magri-react sa tema ng pelikula niyang Live Show (dating Toro), pero, hindi niya alam na lalaki ng ganito ang over-reaction na pati simbahang Katoliko ay pakikialaman din ang sining bilang self-expression, kung saan, dahil sa paninindigan at prinsipyo, pati ang nanunungkulang MTRCB Chairman Nick Tiongson, ay napilitang mag-resign.

Noong isang taon ko pa napanood ang Live Show at ang depression sa buhay ng mga pangunahing karakter ang tumimo sa utak ko, hindi ang kanilang sexual escapades. Ayon kay Joey Reyes, kahit ang mga nagsipanood ng world premiere ng pelikulang ito sa Berlin International Film Festival ay walang nakitang malisya sa pelikulang ito, hindi sila nabastusan gaya ng ating moral guardians na ewan ko naman kung talagang napanood muna ang Live Show sa kabuuan nito bago nagsumbungan sa kardinal.

"Isa sa mga nakapanood sa Berlin Filmfest ng Toro o Live Show ay ang media specialist ng Vatican, si Peter Malone," impormasyon ni Joey noong isang linggo. "Two weeks later, after Peter Malone viewed the movie, sinulatan niya ako. Sabi niya, ika-classify niya ang Live Show, R-18 for Adults. Yon ang bale assessment niya. Kasi, aware siya na merong mga kontrobersyang nagaganap. Remember nung October, 1999? Pinapunta nga siya rito to put up yung Catholic Film Classification baga. Yung sulat ngang yon ay ibinigay ko kay Dr. Tiongson at siyang ipinamudmod sa press conference niya last week."

Nilinaw ni Joey na sa panahon pa ni Armida Siguion-Reyna pinayagan ang pagpapalabas ng Live Show. "Nung first screening ng Live Show, na-X siya. Nag-apila kami, pagkatapos. Kaya sa second screening, limang members na ang naupo. Ang umupo, naaalala ko, si Tita Mids, si Pete Lacaba at ang kritikong si Mario Hernando at merong dalawa pa na hindi ko na maalala kung sino.

"Sa implementing rules and regulations ng MTRCB, sa oras na maaprubahan ang isang pelikula, it is good for five years. Meron kang permit to exhibit the film for five years. That’s why nagulat si Nick Tiongson, nung ipinapa-revoke sa kanya ang license, dahil wala sa kanyang kapangyarihan na i-revoke ito."

Pero paano nga kung presidente na ng Pilipinas ang nagpapa-revoke sa kanya? "Yon nga ata ang sabi ng President sa kanya, na i-revoke niya. Pero sabi niya sa Presidente, hindi ko puwedeng i-revoke yan! Ikaw ang puwedeng mag-revoke niyan! Kasi, ang Presidente lang ang puwedeng mag-revoke ng license, dangan kasi, ang MTRCB ay nasa ilalim ng opisina ng Presidente."

Patuloy ni Joey, "Sa bagong implementing rules and regulations ng MTRCB, wala talagang kapangyarihan si Nick Tiongson na i-revoke ang lisensiya. I found out na nung pumasok si tita Mids, pinalitan niya yung rules and regulations na isang taon lang yung permit ng pelikula oras na ito ay maaprubahan ng MTRCB. Kasi, para kay tita Mids, ito ay unfair sa mga producers. Ayon pa sa kanya, that law is no ambiguous and it is subject to graft and corruption. Sabi ni tita Mids, magandang palitan ito ng limang taon para ang isang pelikula ay maipalabas ng ganun katagal. She doesn’t see the reason why a movie should apply yearly ng re-issue. Alam ito ni Nick. Hindi ko lang alam kung aware ang Executive office na napalitan ito. At least, they should have been aware of it."

Mismong si Nick Tiongson ang nagsasabi na kahit may nudity ang Live Show dahil nga ang tema ng pelikula ay tungkol sa mga nagtatrabaho sa ganitong uri ng hanapbuhay, pero sa pangkalahatan, hindi ito pornographic. "It cannot possibly be pornographic," diin ni Joey. "Sabi nga ni Nick mismo, kapag pinanood mo ang pelikulang ito at ikaw ay ma-tittilate sa nakikita mo, something must be wrong with you. May diperensya ang utak mo! Kasi, the movie is basically depressing. Ang ipinakikita rito ay yung humiliation at yung pagkababa ng pagkatao ng mga nilalang na napupuwersang gumawa ng ganitong klaseng trabaho."

Ang reyalidad ng ganitong uri ng trabaho at mga nararahuyong pasukin ito ang gustong ipakita ni direk Joey Reyes kaya siya gumawa ng ganitong klaseng pelikula. "Ito ang kauna-unahan kong bold film at hindi ito pornographic tulad ng akusasyon ng mga moral guardians, dahil pag na-tittilate ka dito o na-excite, may diperensya talaga ang utak mo!

"Sa palagay ko naman, nagtagumpay ako na ipakita yung degradation ng mga tao na ganito ang uri ng trabaho. Ang tagal-tagal na yang issue tungkol sa pornograpiya. Kahit nga sa Estados Unidos na pinaka-liberal na, wala pa rin silang ultimate definition kung ano ang pornograpiya. May pagka-subjective ang reaction ng tao sa nakikita niya sa pelikula.

"Sa akin kasi, ayoko nang i-defend yung aking pelikula dahil yung pelikula mismo ang defense ko. Sa mga nakapanood ng Live Show sa Metro Manila dahil dalawang linggo rin namang ipinalabas ito sa mga sinehan, at marami-rami rin naman ang nakapanood, so far, wala pa naman akong narinig na sexual excitement ang reaction paglabas ng sinehan! Ang kanilang laging tinutukoy ay yung kung gaano kalungkot ang buhay dala ng paghihirap."

Ano ang masasabi ni Joey sa pakikialam ng simbahan sa pelikula? "Ang problema ng Live Show ay symptomatic lamang kung ano ang puwedeng maging mas malaking problema. Para sa akin, pare-pareho lang naman ang layunin ng lahat ng mga tao, na bigyan ng pagbabago ang ating bayan.

"Sa ating lifetime ngayon, nakakita tayo ng Pilipinas na ating maipagmamalaki. Ang Pilipino ay hindi dapat umalis ng kanyang bayan para makakita lamang ng mas magandang buhay. Naiintindihan ko ang posisyon ng simbahan dahil tulad ng mga ultra-rightists group at mga moralista, gusto rin nilang mag-improve ang ating bayan. Ang punto naming mga artists ay niri-reflect lang namin sa aming pelikula at sining kung ano ang aming nakikita, at gusto rin namin ng pagbabago. Nagkataon lang na iba ang methodology ng simbahan at iba ang methodology ng mga artists. Naniniwala pa rin ako na mayroong separation ang Church at ang State."

Show comments