Kampanya muna bago honeymoon

Hindi makakapag-honeymoon sina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado.

Ayon kay Jessa ay magiging abala sila sa pangangampanya ng kanyang asawa bilang konsehal ng Quezon City. Baka pagkatapos ng election campaign ay saka nila ituloy ang kanilang honeymoon at gusto siyang ipasyal ni Dingdong sa Europe.

Tutulong si Jessa sa pangangampanya sa kanyang asawa. Nilinaw din niya ang isyu na may campaign fund si Dingdong na gagamitin sa kanyang publicity.

Sa kabilang banda, sinabi ni Jessa na itutuloy pa rin niya ang kanyang career. Inilabas na ng Star Records ang second single niyang "Ikakasal Ka Na" mula sa album na pinamagatang "Ibigay Mo Na." In-demand ang singer-actress sa mga singing commitment sa loob at labas ng bansa.
Angelika, Handa Na Sa Mature Role
Nineteeen years old na si Angelika dela Cruz at gaya nang sinabi ni Alicia Alonzo noon sa kanilang mag-ama ay kailangan ng magandang aktres na tumanggap na ng mature role para sa ikagaganda ng career niya. Hindi naman ito nangangahulugan na maghuhubad siya.

Isang pagbabagong gagawin niya ay ang pagpayag makipag-kissing scene sa kanyang leading man. May rape scene rin siya sa bagong soap opera na Ikaw Lang Ang Mamahalin. Si Dingdong Dantes ang siyang makakahalikan niya sa said soap opera.
Tetchie, Balik-Showbis
Naging estudyante ko noon si Tetchie Agbayani at nang malaman kong pansamantalang iiwan niya ang showbis ay nalungkot ako. Naging kaibigan ko siya kaya lagi ko siyang kinukumusta.

Sa di-sinasadyang pagkakataon ay nakakwentuhan ko ang isang taxi driver na nagtrabaho pala sa aktres bilang personal driver niya. Naikuwento niya na nag-aaral si Tetchie at maligaya itong namumuhay sa piling ng kanyang napakagandang anak.

Kumukuha ng BS Psychology ang seksing aktres at desididong magtapos ng kurso. Nais niyang magsilbing magandang halimbawa sa kanyang anak. Gusto rin niya itong makapagtapos ng kolehiyo kaya hindi siya papayag na maging artista ito gaya niya. Papayag lang siyang pumasok ito ng showbis kapag tapos na ng kurso.

Nagbabalik-showbis si Tetchie at kasama siya sa teleserye na Sa Dulo ng Walang Hanggan.
Cogie, Tinawanan Ang Intriga Sa Kanila Ni Piolo
Sa presscon ng Ikaw Lang Ang Mamahalin ay tinanong si Cogie Domingo tungkol sa intriga sa kanilang dalawa ni Piolo Pascual kung saan balitang may relasyon sila sa isa’t-isa.

"Ayaw kong pansinin ang tsismis na yan dahil hindi naman totoo. Para lang kaming magkapatid and he’s like a big brother to me. Lagi kaming magkasama dahil iisa ang aming manager," aniya.

Pinabulaanan din nito ang balitang lumaki na ang kanyang ulo dahil sikat na siya. Sinabi nito na wala siyang star complex at minsan ay namimis-interpret lang siya at iniintrigang unpropesyonal.

"Mahal ko ang aking trabaho kaya pinagbubuti ko ito. Walang dahilan para magbago ako at maging unpropesyonal," aniya.

Kasama si Cogie sa bagong soap opera kung saan katambal niya si Sunshine Dizon.
Jacky Chan Ng Japan
Nasa Cebu ngayon si Jacky Woo ang tampok na bituin ng Total Aikido na ini-release ng Solar Films at prodyus ng True Colors. Nagsusyuting ito para sa Total Aikido 2. Dumating ng bansa ang martial arts expert para i-promote ang Total Aikido kasama sina Aya Medel at John Regala.

Kung ipinagmamalaki ng Hongkong si Jacky Chan at si Jet Lee naman ang pambato ng China ay superhero naman ng Japan si Jacky. Dahil sa galing sa martial arts ni Jacky ay tinagurian itong Jacky Chan ng Japan. May sariling istilo siya sa combat fighting na tinawag niyang "Dance Shoot." Maliit pa siyang bata ay marunong na siya ng karate, judo at aikido. Naka-base sa Japan si Woo at may-ari ng cosmetic manufacturing company. Magaling din siyang action star at producer. Mahusay siyang sumayaw, tumugtog ng gitara, keyboards at iba pang musical instrument.

Palabas na ang Total Aikido sa inyong mga paboritong sinehan sa direksyon ni Jerry Tirazona.
Polo ng sikat na komedyante, pinagmulan ng away
Sa isang proclamation rally sa isang karatig lalawigan ay naging guest singer ang sikat na komedyante at rapper na in-demand na naman sa pelikula matapos manamlay noon ang career.

Buhay na buhay ang mga manonood kahit madaling araw na dahil masigla ang kanyang awitin at sumasabay pa sa pagra-rap niya habang umiindak ang mga bagets sa audience. Gumamit din siya ng gimik gaya ni April Boy Regino na kung saan ay ipinaagaw ang kanyang sombrero. Sa ikalawang awitin ay polo shirt naman ang kanyang inihagis at ipinaagaw.

May dalawang grupo pala sa audience ng mga kabatang lalaki na nag-agawan sa polo ng komedyante na pinagsimulan ng iringan. Matapos ang proclamation rally na inabot ng madaling araw ay inabangan ng isang grupo ang kabanggang grupo na nakipag-agawan sa kanila sa polo. Nasa magkabilang kalye ang magkaaway na grupo ng mga kabataang lalaki at nagbabatuhan. Natakot ang ilang motorista kaya umatras ang ilang sasakyan sa takot na tamaan sila ng mga bato. Mabuti na lang at may dumating na mobile at inawat ang mga nagbabatuhan bago pa lumala ang away.

Show comments