Sino si Chari B sa DWAN?

Mayroon nang isang taon ngayon na siya ay naglilingkod sa mga tagapakinig sa radyo, lalung-lalo na sa DWAN-am, 1206 khz.

Siya ay naririnig Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na ika-10:30 hanggang ika-11 ng umaga. Naiiba ang format ng kanyang programang "Alitaptap Sa Ating Mundo" sapagkat ang tinatalakay niyang mga paksa ay pawang nakatuon sa positibismo. Malawak ang paksang kanyang tinatalakay na patungkol hindi lamang sa mga maybahay na katulad niya kundi para sa lahat. Kumbaga sa reyting ng isang pelikula, ito ay tunay na for general patronage. Ang tinig na nasa likod ng "Alitaptap Sa Ating Mundo" ay si Chari Bagatsing ngunit Chari B. lamang ang ginagamit niyang pangalan sa radyo.

"Ang Bagatsing kasi ay synonymous hindi lamang sa public service kundi maging sa pulitika. At dahil wala namang bahid ng pulitika ang aking daily show sa DWAN kung kaya Chari B. na lamang ang ginagamit kong pangalan," paliwanag ng magandang maybahay ni Amado Bagatsing, ngayon ay kandidatong opisyal ng People Power Coalition bilang alkalde ng Maynila.

Tuwang-tuwa si Chari sa kanyang radio show dahil nakatutulong siya sa maraming mga kababayan, hindi lamang sa mga taga-Maynila kundi sa lahat ng mga mamamayan sa buong Pilipinas na pagandahin ang kanilang pananaw sa buhay. Madalas ding magbigay ng mga makabuluhang tip si Chari sa kanyang mga tagapakinig, lalung-lalo na ang mga katulad niyang maybahay. Pero kahit magiging abala si Chari sa darating na kampanya para sa kanyang asawa na 11 taong naglilingkod bilang congressman ng Manila’s 5th District, hindi pa rin niya pababayaan ang kanyang radio program dahil para sa kanya ito ay isang commitment.

Show comments