Bakit 'Torotot' ang title ?

Marami sa atin ang mag-iisip kung bakit Torotot ang titulo ng bago at unang tambalan nina Leo Martinez at Klaudia Koronel. Mag-iisip ka nga. Magtatanong sa sarili kung sino ba sa kanilang dalawa ang torotot? Mag-asawa kasi ang role na ginagampanan nila. At natural na iisipin at magtatanong kung sino sa kanila ang gumawa ng kasalanan.

Torotot talaga ang titulo ng pelikulang ito na dinirek ni Arsenio "Boots" Bautista at unang pelikula ng bagong tatag na samahan ng mga direktor at manggagawa sa industriya ng pelikula, ang Filmmakers Cooperative Incorporated, ang kauna-unahang kooperatibang pampelikula sa bansa. Ayon naman kay direk Bautista ay suportado rin ng isang grupo ng mga negosyante na pinamumunuan ni G. Lito Marcos, kasama sina Rey Rocas, Jr., Richard Villaflor, Aristodes Rauro, Romeo Roncal Acosa, Baby Galido at Marilon F. Villaflor. Sila raw ang sumusuporta pagdating sa financing.

Sa pelikulang nabanggit, mapapansin na sa magkakasunod na pelikula Klaudia Koronel ay pawang mga bold. Subalit tiyak na mabibigla ang kanyang mga followers kung makikita o mapapanood siya sa halip na maghubad ay nagpapatawa at nagdadrama.

Ano raw ba ang gustong palabasin ni KK sa kanyang biglang pagbabago ng image?

"Simple lang, para hindi naman magsawa sa aking katawan ang mga manonood, laluna ang mga kalalakihan kaya ako nagbago pansumandali ng image. Kailangan ko ang mag-comedy at mag-drama," ani KK, na nangingiti at parang nakahinga siya dahil sa wala raw siyang kahirap-hirap sa pelikulang ito. Mas madali raw itong i-shoot kumpara sa isang bold na kailangan ang makipaghalikan, makipag-love scene at sa bandang huli ay maghuhubad siya.

Mabilis daw magtrabaho si direk Boots Bautista. Kaya sandali lang silang nakatapos.

Isa pa umano sa mga dahilan kung bakit tinanggap ni Klaudia ang proyekto ay sapagkat gusto naman niyang patunayan sa manonood na hindi lang siya hanggang sa paghuhubad, kundi puwede rin siyang mag-drama at magpatawa. Gusto niyang maipakita ang talent niya sa akting.

Ang pelikulang Torotot na mapapanood na ngayon ay tinatampukan ng mga baguhang bata ngunit pawang matitinik pagdating sa pag-arte.

Show comments