Cooking. dot.com

Sa wakas ay heto’t may isang cooking show na hindi lamang para sa mga maybahay, kundi para na rin sa bawat Pilipino–ang Cooking.dot.com. Medyo teknikal at moderno ang pangalan ng palabas, pero ito ay dahil ang mga niluluto dito ay ilalabas din sa internet.

Ang Cooking.dot.com ay naiiba sa mga cooking shows na lumalabas tuwing umaga. Ang puntirya ng palabas na ito ay ang maturuan ang masang Pilipino na magluto ng iba’t-ibang putahe, simple man o grandioso, na ang gamit na mga ingredients ay yung mga pamilyar talaga sa kahit sino mang Pilipino.

Hindi lamang yan, ang Cooking.dot.com ay magbibigay din ng mga household kitchen tips, palengke tips, tip sa pagnenegosyo ng pagkain, magtuturo ng wastong paggamit ng mga kubyertos at iba pa.

Ang mga host ng Cooking.dot.com ay ang napakagaling na komedyanteng si Arnell Ignacio (na tumatakbong councilor ng district 4 ng Q.C.) at ang culinary expert na si Nancy Lumen. Klik na klik ang kanilang tandem hindi lang dahil kwela sila kundi dahil na rin sa alam talaga nila ang kanilang sinasabi. Si Arnell ay dating may-ari ng Arnelli’s Pizza at si Nancy naman ay nakagawa na ng mga cooking books.

Ang Cooking.dot.com ay lumalabas bawat linggo sa Channel 9, 10:30 ng umaga. Ito ay inihahatid ng Standard Home Appliances at PCSO.

Show comments