May alok para mag-bold!

Seksing-seksi ngayon ang singer na si Tootsie Guevarra na ipinagmamalaking recording artist ng Star Records. Inamin niya na may mga movie offer siyang natatanggap para mag-bold, bida agad siya. "Tita Emy, hindi ko kayang mag-ST o magbold sa pelikula kahit nagbagong bihis ako ngayon bilang isang sexy singer.

Hindi ako handa para maghubad kahit malaking halaga ang ibabayad sa akin," anang 20 years old singer.

Sampung taon din bago nakamit ng seksing singer ang tagumpay kung saan noong 1997 ay naging gold record ang album niya na "Pasulyap-sulyap" at noong 1998 ay naging double platinum naman ang ikalawa nitong album na "Kaba."

Abala siya ngayon sa promosyon ng bagong album titled "Sa Puso Ko" kung saan ang carrier single nito ay "Nang Dahil sa Pag-ibig."
MMG, Magkakaroon Ng Talent Center
Nakaharap at nainterbyu ng ilang piling-piling manunulat ang mag-asawang Evelyn at ang Chairman of the Board ng Mateo Management Group of Companies (MMG) na si Engr. Ervin Mateo. Ipinahayag ng dalawa ang magaganda nilang plano tungkol sa MMG Films kung saan malalaking pelikula ang ginagawa nila ngayon gaya ng Mahal Kita, Maging Sino Ka Pa? na tinatampukan nina Judy Ann Santos at Mikey Arroyo. Mayroon din silang musical comedy movie na tinatampukan nina Jimmy Santos at Niño Muhlach kasama ang mga sikat na komedyante kung saan sabay ding nagsusyuting ang Pilak nina Ronald Gan at John Regala. Katwiran ng mag-asawa na hangad ng MMG Films na makagawa ng magagandang pelikula at mabigyan pa ng maraming trabaho ang mga taga-showbiz. Balak din ng kompanya na makatuklas ng maraming talino sa pamamagitan ng Talent Center hindi lang para sa pelikula kundi gayundin sa larangan ng pag-awit. Kukunin din nila itong recording artist ng MMG Records. Tatlo na ang kanilang mga recording artist gaya nina Yoyoy at Hanna Villame gayundin si Yam Ledesma. Hindi lang sila magpu-full blast sa movie production kundi balak din nilang magtayo ng Talent Center na hindi lang tutuklas ng talino kundi magiging daan para hasain ang kanilang kaalaman sa pag-arte, pag-awit at pagsayaw.

Ayon naman kay Engr. Mateo, ayaw na nilang patulan ang intrigang ibinabato sa kanilang kompanya dahil matatag na rin ito bunga ng kanilang pagsisikap at patuloy na pag-aasikaso sa limampung negosyo nationwide gayundin sa abroad gaya ng Japan, California, Brunei, Saudi Arabia at pagkakaroon pa ng International Trading Company. Ang MMG Entertainment ay isa lang sa napakaraming negosyo na naitatag ng mag-asawa kung saan patuloy pang nagtatagumpay ang kanilang MMG Group of Companies. Samantala, palabas na ang Panabla na tinatampukan nina Ronald Gan at Angela Velez sa Marso 21.
Idinaan Ang Galit Sa Text Message
Dumalaw ako sa taping ng programang Lunch Break sa Channel 13 at nadatnan ko na imbyerna ang magandang recording artist na si Natasha Nave ng OctoArts EMI dahil sa natanggap niyang text message na nagsasaad ng ganito: "Galit na galit ka na ba? Mas lalo naman ako simula nang mapasok ka sa Lunch Break... Akala mo malalampasan mo ako? Natasha, you don’t deserve to have a name!"

Nagtataka ang singer kung bakit ganito na lang ang galit sa kanya ng isa ring kasamahang TV host gayung kapag magkaharap sila ay maganda ang pakita nito sa kanya. Maraming nakararating na pamimintas kay Natasha na hindi nito pinapansin mula sa singer-TV host na ito pero hindi na niya kaya ang araw-araw na pagti-text nito sa kanya.

"Hindi ko alam kung ano ang mangyayari kapag nagkaharap kami at mapatunayang siya nga ang nagti-text nito sa akin. Hindi ko alam kung bakit inggit na inggit siya sa akin. Kung tawagin pa naman niya ako ay kumare pa pero kapag nakatalikod pala ay paninira ang ginagawa nito," anang Natasha.

Ang pinag dududahan nitong nagti-text ay isa ring singer-co host sa programa na may series of show sa ibang bansa ngayon.

Show comments