Joyce, maging problema kaya sa relasyong Aga, Charlene?

Kaya ba nababalitang hindi matutuloy ang kasalang Aga Muhlach, Charlene Gonzales ay sa dahilang umentra na sa eksena ang seksing si Joyce Jimenez na katambal ni Aga sa pinakabagong sitcom ng ABSCBN na pinamagatang Da Body en Da Guard? Hindi man sabihin ni Aga, kitang kita ng mga dumalong press sa presscon ng nasabing sitcom na smitten siya kay Joyce.

In fact, hindi maalis-alis ang pagkakatitig niya sa magandang mukha nito na inamin niyang the best and the most attractive part of Joyce.

Although, ini-report ko na nung Martes na tuloy ang kasalan ng dalawa sa Mayo pero wala pang definite date, hindi na bago sa showbiz ang mga failed relationships and marriages. Wag naman sanang mangyari ito kina Aga at Charlene whom I regard as two of the most beautiful people in showbiz, although hindi natin maaaring itatwa ang posibilidad na mangyari ito. Bakit nababalita? Sa’n naman kumukuha ng balita ang mga nagsusulat? Mayro’n at mayron siguro sila kahit na konting hinala o higing para isipin na ang pinaghahandaang malaking event na ito sa showbiz ay hindi 100% foolproof. In any case let us hope na hindi maging dahilan si Joyce para magkaroon ng problema sina Aga at Charlene.

Samantala, sa trailer pa lamang ng Da Body en Da Guard ay kapuna-puna na ang pagkakaro’n ng chemistry ng dalawang major participants. It was Aga himself who suggested to the Channel 2 people to get Joyce dahil nga may pelikula silang ginagawa na hindi pa naipapalabas. It seems na agad nagka-vibes ang dalawa at ito ay kapansin-pansin din sa presscon ng kanilang TV show. Panay ang biruan nilang dalawa, to the extent na minsan ay napipikon na si Joyce na madalas ay nakahilig ang ulo sa balikat ni Aga. Kaya nga siguro may nagtanong kay Aga kung may pagseselosan ba si Charlene kay Joyce na maaaring maging hindrance sa kanilang wedding? Hindi ito sinagot ng diretso ni Aga.

Bukod sa kanila ni Joyce, nilagyan ng mabigat na support ang bago nilang sitcom. Gaya ni Roderick Paulate na kung sa Oki Doki Doc ay in love na in love kay Aga, dito sa Da Body en Da Guard ay galit na galit naman siya sa kinuhang security guard ng kanyang mayamang amo. Si Dick ang mayordoma sa tahanan ng mayamang don. Kasama pa rin sina Gina Pareño, Anita Linda, John Prats, Bearwin Meily, Bonggoy Manahan, Patricia Ismael, Jiro Manio, Ayko Morales at Joni Eunice.

Magsisimulang mapanood ang Da Body en Da Guard sa Marso 3, 8 pm, ka-back-to-back ng Jolina Magdangal starrer Arriba Arriba sa ika-7 n.g.
*****
May tinanggap na sulat ang babasahing ito mula sa isang nagngangalang Amelia Trinidad ng Gen. Trias, Cavite at nalathala sa Letters to the Editor section ng babasahing ito. Kahapon, Miyerkules. Hindi ko na sana papansinin pa at tatanggapin ko na lamang na isang constructive criticism mula sa isang mambabasa kung hindi sana lumabas dito sa PSN at nagbigay ng hindi magandang lasa sa aking bibig. Ang impresyon ko, hindi na sa mga kalabang dyaryo ako tinitira kundi dito na sa dyaryo na pinagsusulatan ko at kung saan ay isa ako sa mga section editors. Hindi ito first time na nangyari dito, nangyari na rin ito nung una na pinalampas ko. Inasahan ko na sana ay ibinigay na lamang nila sa akin ang sulat para masagot ko nang maayos sa aking section. But even, sa labas ng movie page ito lumabas, naniniwala ako na kailangan ko pa ring pansinin ang sumulat.

Ayon sa nagsulat, hindi siya nagagandahan sa movie section dahil luma raw ang mga balita. I find this grossly unfair dahil I am one editor who makes it a point to go out everyday and look for news I go to presscons, tapings, shootings, lahat ng activities sa showbiz na pwedeng pagkunan ng balita.

Sa aking pagkakaalam, bago at mainit pa ang mga balitang matatagpuan nila sa aking mga pahina na kung hindi man ako ang sumulat ay sinulat ng mga writers ko. Katunayan, ginagamit ang mga news sa section ko ng mga sikat na TV shows, and radio programs. Hindi man kami naa-acknowledge, alam ko kung ano ang mga balita na galing sa amin at kung ano ang hindi.

Sa aking paghahanap ng balita, kasabay kong nagi-interview ang mga maraming sikat na writers at editors ng maraming pahayagan, tabloids and even magazines. So, paanong luma ang balita ko at paano nila ako mauunahan?

I am proud of my Young Critic column which is meant to be just that — a criticism of anything and everything na nagaganap sa showbiz. Wala itong time element. Hindi pwedeng maluma. Mula sa punto ng isang kabataang manunulat. You must agree with me na magaling ang aking writer. Ditto with the Deretsahan writer na hindi news ang forte kundi mga features on some aspiring actors na mula sa stable ng isang kilalang talent manager written by one of his publicists, ang aking writer. May first hand info siya sa mga ito. May mga isinusulat din siya na hindi nababasa sa ibang babasahin.

Hindi ko alam kung bakit at paano nasabi ng sumulat ang kanyang mga sinabi. At hindi ako nagagalit sa kanya. Nagpapasalamat nga ako at binigyan niya ako ng pagkakataon na mapaganda pa ang aking mga pahina bagaman at ito ang palaging layunin namin sa movie section, ang mabigyan ng mas bago, mas marami at mas credible news ang aming mga readers at makatulong sa pagpapaganda ng kabuuan ng aming dyaryo.

Hindi man umaayon sa panlasa ng nagsulat ang aking layout, proud ako sa aking produkto. Ninety percent ng mga nakakausap ko ay pinupuri ang kagandahan ng aking pahina. Para raw hindi tabloid. At kung talagang nagbabasa si Amelia ng ibang tabloid, mapapansin niya na marami nang tabloid ang gumagaya sa aming layout /format. Hindi nga lamang sila makasunod ng husto dahil, wala silang color pages.

Luma ba ang Baby Talk? I don’t think so. Pareho kami ng field na ginagalawan ng may sulat nito. May napupuntahan siya na di ko naabot and vice versa. Araw-araw din ang paghahanap niya ng balita and she has come up with some really good pieces of showbiz news. Are you aware of this o baka naman prejudiced ka lamang talaga sa aking section? Huwag naman!

Ang thrust ng Suntok sa Buwan ay blind items. Nahulaan mo ba kahit isa ng mga pinahuhulaan ng manunulat? Kung hindi magkasya ka na lang sa pagbabasa ng mga items niya na iba sa mga inilalabas ko sa Sanga, ni Salve Asis sa Baby Talk at ni Arthur Quinto sa Deretsahan. Bagaman at pare-pareho kaming mga taga-showbiz at may mga pinupuntahan kaming pare-pareho, I’m sure hindi magkakapareho ang aming presentasyon..

Next time you send us a letter, please be specific. Huwag mong i-generalize. Para naman mas mapaganda pa namin ang aming section. Ito naman ay kung may layunin ka na hindi lamang magbigay ng iyong puna kundi para rin makatulong sa amin.

Mahirap mangapa sa dilim at hulaan lamang ang mga gusto mong sabihin. Ano man ang motibo mo, salamat sa iyong panahon.

Show comments