Sa kabilang dako naman, ang boses na umaawit habang pinapanood ng buong bansa ang madamdaming eksena, ay siya ring boses na maririnig kasama ang ibang demonstrador, sa paanan ng Mendiola bridge, malapit sa Palasyo, pilit na hinihingi ang pagbitiw ni Presidente. Siya’y walang iba kundi si Coritha, ang mang-aawit at kompositor ng awiting "Oras Na."
Lingid sa kaalaman ng marami, ang "Oras Na" ang nagpasimuno ng lahat, nang kantahin ng "live" ni Coritha kasama ang musical director ng Regal Films na si Blitz Padua sa keyboards at si Joel Oliveros sa electric guitar, sa unang rally na inilunsad ng Council on Philippine Affairs (COPA) laban kay Erap noong Oktubre 18, 2000 sa Ayala. Dahil sa makabuluhang titik "ang takot ay nasa isip lamang" marami ang namulat at mula noon, ang "Oras Na" ay umalingawngaw sa lahat ng rally: sa Mendiola, sa Ayala, sa Liwasang Bonifacio, sa Senado hanggang EDSA at sa buong bansa sa pamamagitan ng Radyo Bandido – DZRJ na pinatutugtog araw-araw upang himukin ang mga Pilipino na manindigan para sa bayan at katotohanan.