Oks na oks na si Pops kay Martin

Hanggang ngayon ay nasa ikapitong langit pa rin ang mga followers and supporters nina Martin Nievera at Pops Fernandez nang sorpresahin ng huli ang una sa biglang pagdating niya sa konsyerto nito sa Ultra.

"It was his birthday at matagal nang iniimbita niya ako but it was only then that I was able to go, siguro para mapatunayan ko sa aking sarili at maipakita sa lahat na healed na ako from all pains and heartaches na dulot ng aming paghihiwalay," anang Concert Queen during the launching of her back-to-back concert with the Side A band na magaganap sa February 24, Saturday, sa Folk Arts Theater. The show, entitled What You See Is What You Get (WYSIWYG), is a production of 8 Designs & Marketing and also features The Manoeuvers, The Hotlegs Dancers and The Opera.

Ayon kay Pops, ang pag-appear niya sa concert ni Martin ay hindi alam ng marami. Maging ang kanyang ina na si Dulce Lucban ay nung araw lamang nang pagpunta niya nalaman ang kanyang gagawin. "Pero, alam ni Robin ang gagawin ko. In fact, masaya siya nang sabihin ko sa kanya. He told me na matutuwa ang Daddy niya sa gagawin ko at sigurado raw masosorpresa ito na siya namang nangyari. Umalis din naman ako kaagad after I went backstage to greet him. I believe kanya ang gabing yun at di na ako dapat umagaw ng pansin ng mga tao.

"Okay na talaga kami ni Martin pero ayaw ko nang isipin pa namin yung nakaraan. Mag-concentrate na lang muna kami sa ngayon. I am truly happy now. Wala akong inaalalang may naghihintay sa akin kapag umaalis ako. Walang dapat pagpaliwanagan. We always go out ng mga anak ko, madalas kaming tatlo lamang. Kung gusto naming mag-enjoy o kumain, go lang kami sa mga convenience store, masaya na kami.

"Malalaki na ang mga anak ko. Hindi na masyadong alagain although I need to be with them palagi but they understand that I have to go out, too. Payag naman sila. Walang problema," pagtatapos niya.
*****
Naiiyak si Phillip Salvador kapag itinatanong sa kanya ang matalik niyang kaibigan na si Bong Revilla na gumawa ng kasaysayan nung Edsa People Power 2, nang kumalas ito sa kanyang suporta kay dating presidente Erap Estrada, ama ng isa nilang kabarkada na si Mayor Jinggoy Estrada.

Sinabi niya na may pagdaramdam sila nina Rudy Fernandez at Jinggoy kay Bong dahilan sa ginawa nito pero naiintindihan naman nila kung bakit niya ito ginawa.

"Kaibigan ko pa rin siya, nag-uusap pa rin kami," ang sabi niya.

May pelikula si Ipe na ilalabas ng RS Productions, film outfit ng kanyang kapatid at manager na si Ramon Salvador, ang Kaaway Hanggang Hukay, isang hard action sa direksyon ni Joey del Rosario at nagtatampok din kay Ina Raymundo. May love scene sila dito na mahigit sa walong oras na kinunan. Kontrabida niya si Edu Manzano. Ito na marahil ang huli niyang pelikula sapagkat papalaot na siya sa larangan ng pulitika. Tatangkain niyang tumakbo bilang vice mayor ng Mandaluyong.

"Wala pa akong definite plans except that I will run for vice mayor of Mandaluyong. Gusto ko ring makatulong sa mga ka-lugar ko. Nakita ko na ang mga problema at bagaman at tumutulong ako sa abot ng aking kakayanan ay hindi ito sapat. Ngayon pa nga lamang ay iniintriga na ako sa aking ginagawang pagbibigay ng tulong. Ang hindi ko maintindihan ay kung ano ang problema nila dito. Akin naman ang pera na ipinamimigay ko, hindi galing sa gobyerno o ninakaw kaya," sabi niya.

Show comments