Kahit na second week ito sa mga sinehan, halatang-halata sa pilahan sa takilya na taob ni Booba ang Syota ng Bayan ni Priscilla Almeda.
Siguro may katotohanan ang sabi-sabi sa showbiz na pag masyadong balita na luma na ang pelikula – ang Syota ng Bayan ay two years na yatang tapos at noong October last year pa pinapalabas ang trailer at saka pa lamang ito inilabas nitong 2001 na.
Parang nawala na ang interes kay Priscilla lalo pa nga at balita ring naghigpit na ang board of censors.
Nagkataon pa rin na ito ay balitang Crown Seven movie at kasosyo lang ang Solar na nag-release nito.
Syempre may backlash pa ang publiko sa anumang project na may kinalaman sa nakaraang administrasyon.
Siguro mas gusto ng mga tao ang Booba na iba naman ang approach sa isang sex movie-pa-comedy effect at bagay si Rufa Mae sa ganitong role.
Ang mga bagong ABS-CBN members ay sina Rufa Mae at Joyce Jimenez na kapwa mga kasalukuyang box-office queens. Ang ibig sabihin kaya nito ay puwedeng mag-concentrate na lang si Rufa Mae sa Arriba, Arriba at tuluyan na niyang iwan ang mga shows na nagpasikat sa kanya?
Sa pelikulang ito na romantic comedy ay magkatunggali si Nick Marshall (Mel Gibson) at Darcy Maguire (Helen Hunt). Parehong divorced, si Nick for 15 years at si Darcy for one year. Si Nick ay isang pangkariwang lalakeng mahilig na maka-score sa sinumang babae na mapagbalingan niya ng pansin-kahit showgirl, o waitress or sekretarya. Punumpuno ng babae ang kanyang buhay dahil anak siya ng isang dancer sa Las Vegas hanggang lumaki na siya at magka-asawa pero failure ang kanyang marriage. Naging isa siyang matagumpay na account executive sa isang bigating advertising agency sa Chicago. Pero kumuha ng isang babaeng creative director ang boss ni Nick na dapat sana ay siya ang na-promote sa posisyong iyon. Ngunit babae ang kinuha para magkaroon daw ng fresh ideas ang kompanya at para makuha nila ang malalaking account na ang ipino-promote ay mga kagamitan ng mga babae. Upang malaman ni Nick ang tunay na kagustuhan o kung bakit nagugustuhan ng isang babae ang isang bagay gaya halimbawa ng lipstick o pabango, nag-experiment si Nick sa kanyang banyo. At sa kanyang experiment, nakuryente siya habang gamit ang hair blower. Nagising siya kinabukasan at na-discover niyang mayroon na siyang kakaibang galing o sense. Naririnig niya kung ano ang iniisip ng mga babae!
At sa pamamagitan ng kakaibang kakayahan na ito, siyempre nalalaman niya ang bawat iniisip ng babae within hearing distance. Matinding tama sa kanyang ego ang mapag-alamang hindi pala siya nakakaaliw sa lahat ng mga babae at isang male chauvinist ang turing sa kanya. Pero sa pakikinig sa mga babaeng nakakaharap niya, naituwid niya ang lahat ng kanyang kamalian at pati na nga si Darcy na dati ay ilag sa kanya ay nagbago ang pakikitungo sa kanya.
Pati ang 15-year old daughter ni Nick ay nalaman niya ang iniisip at kinatatakutan sa buhay. Sa bandang huli ay mawawala rin ang ‘power’ ni Nick at magbabalik siya sa dati niyang normal na kalagayan. Hindi na niya siguro kailangang marinig pa ang mga tunay na iniisip ng ibang tao tungkol sa kanya. Maging masunurin lamang siya at maging observant, malalaman na niya ang tama at mali. Kung ilalagay lang niya ang kanyang sarili sa sitwasyon ng iba. Hindi na kailangang marinig pa ang iniisip ng kapwa upang matiyak kung ano ang kanilang nararamdaman. Totoo rin na ang mga magulang mo at mga tunay na kaibigan ay may ganitong galing. Alam nila kung ano ang nasasaloob mo kahit hindi mo pa sinasabi. And If you really listen and feel hard enough, you will surely know what men ang women want.