Pina-feng shui ang pangalan!

Isa sa dahilan kung bakit dapat tangkilikin ng madla ang "Awit Abroad Album" na isang tribute para sa mga Overseas Filipino Workers ay ang pagkakasali rito ni Cindy Rosas . Kapuri-puri ang "Doon" niya sa sariling interpretasyon. "Actually I made my own version based from the study tape and I’m glad it turned out good," sabi.

Ang kanta ay tumatalakay sa buhay ng mga OFW bilang seaman worker, ani Cindy. "Naiintindihan ko ang buhay nila, kasi, marami akong mga uncles na mga seaman. Talagang nakakaawa ang buhay nila doon."

Ika-apat na album ito ni Cindy, ang una niya ay mula sa Dyna Records. Nagsimula siya bilang vocalist sa banda ni Eddie Katindig sa Cebu at mula noon, ang dating Miss Ozamis at Binibining Pilipinas runner-up ay malayo na ang narating bilang recording artist. "Ang pinaka-successful album ko ay yung unang-una, "Tukso" na revival song, from Eva Eugenio, 1994 pa yon. Yung kanta ko namang "Sana, Mahalin Mo Ako," composed by Vehnee Saturno, naging theme song sa Dolzura Cortez movie ni Vilma Santos, 1994 din yon."

Dating Bem Rosas ang ginagamit ni Cindy. Pero nang mapunta siya ng Dyna, ang may-ari nito, si Howard Dy, ay pina-feng shui ang pangalan niya, "Malas daw ang four-letter word, kaya Cindy is fine. Ako na rin ang nag-suggest kasi, ang real name ko, Cynthia Rosas."

Ang pinaka-memorable singing experience ni Cindy ay noong mag-first world tour concert si Stevie Wonder dito. "Nag-concert siya sa ULTRA noong 1989 at nagkaroon ng audience participation. Nasa OctoArts na ako noon. Nagkataon, yung banda namin ang front act, nang magtanong si Stevie kung sino sa audience ang alam ng "It’s You", yung duet nila ni Diana Ross, itinulak ako ng mga kasama ko. Hindi ko malilimutan ang sinabi ni Stevie matapos niyang hawakan ang kamay ko, "Even if I could not see you, I know you are beautiful. I can even feel that your heart and soul are also beautiful." I was really touched, and I felt honored. The next day pa nga, tumawag pa siya sa phone at nagpasalamat at kung makakapunta ako sa Amerika, tawagan ko raw siya."

Ang pinakamalaking concert ni Cindy ay yung "Beauty and the Best" kasama sina Hadji Alejandro at Rico Puno, noong 1994 sa Star Complex.

Sexy at maganda si Cindy. Sa abroad ba ay may nanligaw sa kanya? "Marami, kaya lang, puro may mga asawa, may sabit lahat. Yung mga binata naman, ewan ko ba kung bakit parang takot sila sa akin? Kaya loveless ako ngayon. Sa career ko na lang ako nagko-concentrate. If you feel lonely, make yourself busy. Kung busy ka at umuwi ka na sa bahay dahil sa trabaho mo, hindi mo na mararamdaman na malungkot ka. But time will come when I will meet the right man. Sana nga, ngayong Year of the Golden Snake. Happy naman ako sa career ko. Love can wait. Career and business muna."
*****
Tatlo silang magkakapatid na babae na minana sa kanilang ina ang talento sa pagdidisenyo at paggawa ng mga suot-pangkasal. Mula sa isang maliit munang negosyo, napalaki ng magkakapatid na sina Nona Castillejo-Clemente, Malou Castillejos at Ada Castillejos ang minana nilang talento mula sa dakila nilang ina, si Daisy Lustre-Castillejos. Ang bridal shop ng magkakapatid, "C & C Creative Concepts" ay matatagpuan sa 17 Scout Ybardolaza corner Scout De Guia, Quezon City.

"Sino mang gustong magpakasal," sabi ng panganay na si Nona," walang magiging problema kasi, kami na ang bahala sa lahat ng planning of wedding arrangements. Puwede rin kami sa ibang services gaya ng corporate functions, product launchings, company seminars, school homecomings, event management and other important celebrations." Pero sa bridal events sila kilala, at ang totoo, ang C&C ay ipinagmamalaking miyembro ngayon ng Philippine bridal Association.

Si Malou ang fashion designer sa magkakapatid. "Hindi kami apektado ng financial crisis or dwindling economy, dahil ke ayaw mo o gusto, magpapakasal ka. Ang pinaka-modest budget namin sa bridal gown naglalaro sa P15,000 to P20,000 lang at so far, yung pinakamataas, mga P150,000.

"Napansin ko lang, yung mga nagpapakasal ngayon, mula nang ikasal si Lucy Torres kay Richard Gomez, type nila yung gown ni Lucy na gayahin, lalo na yung veil. Saka medyo nauuso na ngayon yung nagpapakasal na hindi puti yung bridal gown, kungdi silver, meron pang gusto, red," ani Malou

Ang bunso, si Ada, ang may kinalaman naman sa financial side.

Show comments