Mahilig sa showbis ang mga anak ng presidente

Didibdibin na kaya ni Mikey Arroyo ang pagiging artista ngayong balitang hindi na siya tatakbong vice-governor ng Pampanga sa tiket ni Lito Lapid? Syempre baka dumugin na ito ng maraming movie offers dahil presidential son na siya. Pero ang career ni Mikey sa mga sandaling ito ay one low-profile status. Puro second lead lang ang kanyang roles at hindi siya masyadong nagpapabongga tulad ng ibang anak ng government officials.

Noong panahon ni Marcos, si Imee Marcos ang mahilig sa showbis pero hanggang stage lang daw ang sinubukan niya. Wala nang ibang presidential son o daughter na nagtangkang maging star dahil sino ba naman ang hihigit pang star kay Imelda Marcos? Nang dumating si Cory Aquino, enter na rin si Kris Aquino na talaga namang isang exciting personality. Pero bago pa man naging presidente ang nanay niya, Kris was already negotiating a movie career with Regal. At nang presidente na nga si Cory pinag-agawan na ang serbisyo ni Kris bilang artista. Nauna na nga yata ang Channel 7 sa pagbibigay ng opportunity sa kanya na makalabas sa telebisyon.

Marami ring nagawang pelikula si Kris at parang may natural comic flair si Kris. Successful ang pelikula nila ni Rene Requiestas na Pido Dida pero nilait-lait siya ng mga kritiko at napagsabihang walang dramatic talent kahit mga dramatic movies pa ang ginawa niya with Carlo Caparas. Nabansagan pa nga siyang Massacre Queen di ba? Pero umibig si Kris at nakisama kay Phillip Salvador at ang aspeto ng buhay na ito ni Kris ay naging malaking issue sa tinawag na moral ascendancy ng mga Aquino. Tapos na ang chapter na iyon sa kanyang buhay at ang mabonggang si Kris ay isa nang matagumpay na television talk show host at occasional television actress.

Sa panahon ni Fidel V. Ramos, umangat nang husto ang career ni Jo Ramos, anak ni FVR, at isang singer-musician. Matagal na ring prominente si Jo Ramos sa local music circles at nang mapangasawa nito si Lloyd Samartino, nagkaroon ng pagkakataong magbalik-showbis. Si Lloyd ay dating Regal star at anak siya ni Carmen Soriano. Napabalitang nagkahiwalay si Jo at Lloyd pagkaraan nilang magkaroon ng anak at tumamlay nang tuluyan ang career ni Lloyd nang wala na sa puwesto si FVR. Tahimik lang at hindi gaanong maingay ang showbiz connection ng pamilya ni FVR.

Sa term ni Erap, lahat yata ng mga anak nito ay nasangkot sa showbis. Artista sina Jinggoy at Jude, nag-produce o co-produce ng Miss Saigon si JV (anak ni Erap kay Guia Gomez) at si Jackie naman bago pa naging presidente ang tatay niya ay nagpo-produce na rin ng mga telemovies. Si Laarni Enriquez ay nagpo-produce rin ng telemovies. At sa pag-akyat ni Erap sa presidency, natatag ang Millennium Films na sinasabing malaking film company sa kasalukuyan. Malaki ang pondo ng nasabing kompanya dahil puro big stars daw ang nakakontrata sa Millennium– Bong Revilla, Phillip Salvador, Rudy Fernandez, Vic Sotto, Cesar Montano, Judy Ann Santos, bukod pa nga kay Fernando Poe, Jr. Naging active ulit bilang producer si Jesse Ejercito although successful producer na ito bago pa maging presidente si Erap.

Naigawa ng Crown Seven ng pelikula si Nora Aunor, si Elizabeth Oropesa, Dina Bonnevie, Vina Morales, Angelu de Leon, Edu Manzano at may kontrata raw ang ilang malalaking bituin pati nga si Anjanette Abayari na banned pa rin sa Pilipinas, sa Millennium.
Huli Na Para Mailigtas Si Erap!
Noong Biyernes, January 19, nagkaroon pala ng madaliang pagbuo ng tinatawag na M.O.V.I.E. group ang ilang die-hard supporters ni Erap na ang ibig sabihin ay Movie Organization of Volunteer Individuals For Enlightenment upang salungatin ang impact ng Erap Resign movement ng mga malalaking artista tulad nina Bong Revilla at Nora Aunor. Ang malawakang miting ay gaganapin sana sa Amoranto Stadium kinabukasan, Sabado, January 20. Ewan ko lang kung natuloy pa dahil mabilis ang mga pangyayari. Pinag-iisipan pa lang ng ilang maka-Erap ang kanilang mga diskarte, lumabas na si Renato de Villa at isa-isang naglitawan ang mga heneral ng Armed Forces of the Philippines upang ilaglag ang dati nilang Commander-In-Chief. Kahit nagsasalita na ang mga heneral, umaasa pa rin ang ilan na mananatiling loyal si Ping Lacson kay Erap pero bandang hapon, sumuko na rin ito sa base ng nakararami.

Noong umaga ng Biyernes, mariin pa rin ang paninindigan ni Mrs. Armida Siguion Reyna ng MTRCB at sinasabi niyang kailangang pairalin ang batas ng duly constituted authorities kaysa sa batas ng lansangan at kapag nasanay tayong pairalin ang gusto ng mga nagra-rally, puwede tayong mauwi sa pagiging isang banana republic. Ang mga tinatawag na banana republic ay iyong mga bansa lalung-lalo na sa Latin America na konting gusot, may aklasan, may palitan ng gobyerno at mga opisyales at walang kapanatagan ang gobyerno.

May sulat din si direk Marilou Diaz-Abaya sa board of directors ng Film Academy of the Philippines upang hikayatin ang FAP na sumama na sa Erap Resign movement at suportahan ng buong movie industry ang pagbaba ni Erap sa Malacañang. Sa kanyang sulat, isinalaysay pa ni direk Marilou ang mga exploitations ng masang manonood sa kamay ng mga producers at local movie industry at panahon na raw na baguhin ng industriya ang pakikitungo nito sa sambayanang Pilipino. Hindi ko lang alam kung sa harap ng mga pagbabago ay matatalakay pa ng FAP board ang mga hinaing ni Marilou Diaz-Abaya.

Show comments