Nang biglang pumutok ang pag-"walkout" sa Senado ng produksyon matapos manalo ang "no" vote, tumutok na kaagad ang GMA habang tulog pa ang ibang mga istasyon nang nagsimulang pumunta ang mga tao sa EDSA Martes pa lang ng gabi. At nagtuluy-tuloy na nga ang kanilang ‘marathon’ coverage ("walang tulugan," ika nga ni Kuya Germs) hanggang sa dumami na nang dumami ang nagdagsaan sa EDSA hanggang sa makasaysayang pagsumpa ni Gloria Macapagal Arroyo bilang ika-14 na Pangulo ng Pilipinas.
Sa kabila ng pangangamba at sangkatutak na katanungan, GMA ang unang nagpahayag ng pag-anunsyo ni Mike Arroyo na ang asawa niya’y manunumpa na sa EDSA noong Sabado. GMA din ang sumagot sa mga katanungang-legal na naglaro sa isipan ng mga mamamayan nang unang lumabas dito ang panayam kay Supreme Court Justice Artemio Panganiban, kung saan sinabi niyang ang panunumpa ni Arroyo ay may basbas ng Korte Suprema. GMA din ang nangunang pabulaanan ang ‘tsismis’ na wala na si Erap sa Malacañang sa pamamagitan ng pagsalaysay ng Malacañang reporter ng GMA na si Maki Pulido ng kanyang eksklusibong panayam kay Erap sa cellphone kung saan sinabi niyang pormal na magbibitiw ang Dating Pangulo pagkatapos ng limang araw. Naroon din si Maki at maging ang head ng GMA News na si DJ Sta. Ana upang saksihan ang paglisan ni Erap sa Malacañang. Sa kabila ng lahat, isa ang napatunayan ng GMA, na hindi mabibili ang husay at galing na kinikilala ng lahat ng "award-giving bodies" dito at sa ibang bansa.