Paco, naghahanap ng bagong asawa

Sa pagpasok ng bagong taon ay muling pasisiglahin ni Paco Arespacochaga ang kanyang music career. Kamakailan ay inilabas ng UniGram label ng MCA Universal ang solo debut album niya na may pamagat na "Rebirth" na angkop na angkop sa takbo ng kanyang buhay at career.

Sumikat si Paco noong early nineties bilang miyembro ng Introvoys. Sa kasikatan nila noon ay nakamit ni Paco ang lahat ng inaasam-asam niya sa kanyang buhay at career. Napakabata pa noon at wala pang direksyon sa buhay si Paco. Maraming magagandang bagay na pinakawalan at pinalampas.

Sa pagbabalik niya sa larangan ng musika, kakaibang Paco Arespacochaga ang makikilala muli ng mga tagahanga. Kaya nga ang title ng album niya ay "Rebirth" sapagkat ito’y palatandaan ng pagsibol ng isang seryosong artist.

Ang Rebirth ay nakapasok na sa record charts sa pamamagitan ng awiting "Mahagkan Ka Sana" na isinulat ni Vehnee Saturno. Bagay na bagay ang titik ng awitin kay Paco. Sinasaad sa awitin na di masama sa tao ang mangarap sapagkat ito ang nagiging motivation niya sa buhay. Nasa ganitong sitwasyon ngayon si Paco nangangarap maabot ang bituin niya at makakilala ng isang babae na mamahalin at makakasama sa buong buhay niya.

Show comments