Ayon kay Bong, ang pinagkaiba ng Cut sa ibang mga salon, ito ang may pinaka-maraming celebrity clients sa lahat. "Ay naku, kung padamihan lang ng mga kliyenteng celebrities, talo ni Bong Bella ang iba diyan. Nagpupunta sa shop niya sina Maricel Soriano, Aiko Melendez, yung mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres, Rosanna Roces, G. Toengi, Amy Perez, Candy Pangilinan, Meryll Soriano, Allan K, Philip Lazaro, Rica Peralejo, Lara Fabregas, Ralion Alonso, and others. Bongga, di ba?"
Syempre, doon na rin nagpupunta si Boy para sa kanyang hairstyle pati na ang partner niyang Bong din ang pangalan. "Talagang mahusay kasi siya," amin ng super TV talk show host.
Humble naman ang beauty ni Bong Bella kapag pinupuri ang kanyang serbisyo na laging may personal touch. "Hindi naman kami yung the best na maituturing. Pero talagang dito sa Cut, the best service ang ibinibigay namin. Kasi, inilalagay namin ang sarili namin sa katauhan ng kliyente, ke celebrity siya o hindi, ke sikat siya o wala pang name sa showbis. Kasi, syempre, kliyente kang nagbabayad, ang type mo, magandang serbisyo. Kaya iyon ang ibinibigay namin. Ang salon kasi, pare-pareho lang ‘yan. Sa service lang sila nagkakaiba," impormasyon ni Bong noong isang linggo.
Kung pagbabatayan lang kasi ang karanasan ni Bong bilang make-up artist, mai-impress ka, dahil siya ang make-up artist ng mga TV shows na gaya ng MAD, Sarap TV, MTB, ASAP, at iba pa. "Di ko na mabilang sa rami, kung ilang artista na ang nagupitan ko at na-make-up-an. Libo na siguro. Ayoko nang banggitin ang pangalan nila, basta drop by anytime sa shop ko at may madaratnan kang celebrity."
Si Bong ay nag-aral ng Computer Programming sa Institute of Computer Technology pero edad 17, nahikayat na siyang mag-salon business. "Meron kasi akong tiyahin na may-ari ng isang beauty salon. Pag summer at bakasyon, pinapag-apprentice niya ako. Pero ang first professional work ko bilang hairstylist kay Freddie Reyes. Kilala si Freddie sa may España. Karamihan ng mga kliyente namin doon mga matrona, mga Intsik na naka-tiss pa ang buhok. Mga 60s pa yon noon. Doon kay Tita Freddie ako natuto. Siya bale ang mentor ko sa iba’t ibang klaseng hairstyles. Yang mga hairstyle na yan, pabalik-balik lang ’yan."
Kagagaling lang ni Bong sa America kung saan nag-aral siya ng advanced creative course in hairstyle, cut and color kay Vidal Sassoon sa Los Angeles, California. Dumalo rin siya sa isang international make-up competition sa California.