Tapos ngayon ay year 2001 na pala, kaya lang ang excitement this year ay napalitan yata ng pagkabahala na baka taghirap tayo sa taong papasok. Lahat yata ng economic indicator ay nagsasabing bad times are ahead. Pero di dapat mawalan ng pag-asa, hope for the best and prepare for the worst, wika nga.
Parang maganda naman ang ending ng taon sa movie industry dahil marami ang indikasyon na magiging matagumpay ang Filmfest at baka nga kumita ng malaki kahit panahon ng krisis.
Baka matapos ang taon ng 2000 na mamamayani pa rin ang mga old established stars at parang sabit lang ang mga talents tulad nina Marvin Agustin, Jericho Rosales, Cogie Domingo, Patrick Garcia, Carlo Aquino at Jeffrey Quizon. Naka-focus pa rin ang limelight sa mga artistang tulad nina Eddie Garcia, Rudy Fernandez, Dolphy, Gloria Romero, Lorna Tolentino, Cherie Gil at Boyet de Leon.
Ano nga ba ang prognosis sa local movie noong 2000 –good, bad, indifferent o okey lang? Siguro sa aking obserbasyon, magiging limitado dahil wala naman akong pagkakataong magbabad sa local showbiz affairs. Tila nga matumal ang industriya sa taong 2000. Walang masyadong kontrobersiya tulad ng mga rally ng moral crusaders noong 1999 pero parang napigilan ng mga moralista ang pagyabong ng career ni Priscilla Almeda, Ina Raymundo, Nini Jacinto at Rosanna Roces. Wala yatang pelikulang nai-release si Priscilla o si Rosanna this year. Ang Syota ng Bayan ni Priscilla na isang buwan na yatang ipinapalabas ang trailer ay year 2001 na ang release because of censorship problems. Ang Star Cinema movie ni Osang with Diether Ocampo ay hindi pa tapos. Hindi rin maipalabas ang Butakal ni Toto Natividad.
Masigasig ang production ng Viva Films. Medyo mahina ang Star Cinema at kokonti rin ang kanilang release for 2000. Kokonti rin ang pelikula ng Seiko at na-censor pa yata ng husto ang kanilang Kangkong. Patuloy na rin ang production ng Regal pero mahirap pa rin yata nitong mabura ang pito-pito image kaya walang masyadong excitement dito. Ang GMA Films ay tinatawag naman nilang the one movie a year company pero ang perception ay isa sila sa mga major players ng movie industry.
Sa aking observation, wala namang bagong bituin ang nagkaroon ng sinasabing major breakthrough. Marami pa ngang nawala sa eksena gaya nina Jao Mapa, Matthew Mendoza, Onemig Bondoc, Red Sternberg. Ang iba tulad nina Rico Yan, Ariel Rivera, Anjo Yllana ay sa telebisyon na lang nakikita. Hindi na rin masyadong busy sa pelikula ang mga tulad nina Raymond Bagatsing. Siguro dahil talagang kokonti ang mga pelikula noong 2000. Hindi rin gaanong matunog ang pagtanggap sa baguhang si Janna Victoria. Nanguna sa takilya ang mga dati nang box-office champs tulad nina Judy Ann Santos, Maricel Soriano, Vilma Santos at accidentally din sina Joyce Jimenez at Regine Velasquez. Humirit din ng konti si Angelu de Leon. Nag-register sa audience sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Leandro Muñoz. Patuloy ang ratsada ni Robin Padilla at iba pang action kings pero wala pang follow-up si Cesar Montano pagkatapos ng kanyang grand wedding production.
Pambihirang lakas sa box-office ang ipinamalas ng mga pelikulang Ang Dalubhasa ni Fernando Poe, Jr., Kahit Isang Saglit ni Judy Ann, at ang Kailangan Ko’y Ikaw nina Robin at Regine. Ang year 2000 din ang taon ng pamamahinga ni Sharon Cuneta at ganoon din ang pamamahinga ni Nora Aunor upang tiyakin kung papasukin niya ang pulitika o hindi. Hindi pa rin niya matiyak.
In spite of the risky nature of moviemaking as a business venture, marami pa ring taong gustong pasukin ang business na ito. Nahihikayat siguro sa kasikatan ng showbis at masaya din naman ang intriga at kontrobersiya at ayon sa mga experts, hindi ka naman makikipagsapalaran ng puhunan dahil ang daming pagkakataon upang ang producer ay makabawi. May television rights, cable rights, video rights. Kailangan lang siguro ay alam mo ang lahat ng pasikut-sikot at proseso ng movie-making. Hindi pa rin tiyak kung anong klaseng pelikula ang tatangkilikin ng manonood at kung sinong artista ang makukursunadahan ng publiko. Movie making is still a big gamble.