"Two years from now, magpapakasal kami ni Tonton" - Glydel

Inamin ni Glydel Mercado nang makausap ko sa presscon ng Ping Lacson Story na gusto niyang magkaroon ng seryosong proyekto na hindi na kailangan pang maghubad o magpa-sexy. "Gusto ko ang mga pelikulang nilalabasan ni Lorna Tolentino. Tama na ang tatlong daring movies na ginawa ko like Sidhi, Mister Mo, Lover Ko at Azucena at kahit may offer para mag-bold akong muli ay di ko na tinatanggap pati ang aking manager. Kaya sa ngayon mas gusto kong mag-concentrate muna sa TV," aniya.

Semi-regular siya sa OkaTokat at abala din sa mga provincial shows kung saan ang isa pang napaglilibangan nito ay ang pagkanta.

Kumusta naman ang kanyang lovelife?

"Two years from now pa kami magpapakasal ni Tonton. Wala kaming problema ng mommy niya dahil magkasundong-magkasundo kami gayundin si Tita Annabelle Rama. Nakatira pa rin ako sa bahay ng mommy ko kaya hindi totoo ang balitang nagli-live-in na kami ni Tonton."

Kahit three days shooting lang siya sa Ping Lacson Story ay nag-enjoy siya dahil nakasama niya ang paboritong si Lorna at Rudy Fernandez sa said movie.
Janna, Gustong Magtayo Ng Foundation Para Sa Mahihirap Na Bata
Naniniwala si Janna Victoria sa kasabihang "Its better to give than to receive" lalo na kapag sumasapit ang Kapaskuhan. Kaya naman noong nakaraang December 11 ay nagtungo siya, kasama ang mga kaibigan sa Merville, para magbigay ng bigas, delata, mga noodles sa mga mahihirap na pamilya. Naaawa din si Janna kapag nakakakita ng mahirap na mga bata o streetchildren na nagpapalabuy-laboy sa lansangan at nagpapalimos sa murang edad. "Sana matupad din ang wish ko balang araw na magkaroon ng foundation para sa mahihirap na bata. I really love children at gusto ko silang nakikitang masaya," aniya.

Sinabi niya na ngayong Pasko ay uuwi siya sa Malolos, Bulacan para makapiling ang kanyang mga magulang at kapatid. Sapul nang mag-artista siya ay doon siya tumitira sa townhouse sa Pasig at umuuwi lang ng lalawigan kapag may okasyon.
Trovador, Excited Sumakay Sa Karosa
Kasama rin sa Ping Lacson Story ang baguhang action star na si Trovador James Ramos. Isa siya sa mga miyembro ng magiting na heneral sa Task Force Habagat.

Ngayong MMFF Parade of Stars ay kasamang sasakay sa float ang aktor. Sabi nga nito ay excited siya dahil first time niyang sasama sa parada at kasama pa si Daboy at LT.

Maganda ang takbo ngayon ng career ni James. Isa siyang martial arts expert at ang itinuturo niyang technique ay tinatawag na tracma.s
Brigitte Vs Sofia
Kangkong ng Seiko Films na tinatampukan ng FilAm girl na si Brigitte de Joya.

Noong November pa ito inaasahang maipalalabas kaya lang sa sobrang dami ng mga bold scenes ay ilang beses itong na-X at ngayon lang na-approve.

Sa kabilang banda nakarating sa seksing aktres ang mga patutsada ni Sofia Valdez na kasama rin sa movie kung saan sinabi nitong dapat sisihin ang sobrang pagiging liberated ni Brigitte na walang kyeme sa paghuhubad. Ito ang naging pahayag ng bida kung saan sinabi niyang naiinggit lang sa kanya si Sofia. "Mas maganda kasi ako sa kanya at mas malakas pa ang appeal kaya nagpuputok ang kanyang butse."
X’mas Wish Ni Zsazsa
Dapat ay may malaking concert si Zsazsa Padilla bago magtapos ang taong ito kaya lang dahil sa kaguluhang nangyayari sa ating bansa ay kinansela niya ito. Kaya ang wish nito ay maging maayos na sana ang kaguluhang nangyayari sa bansa at bumalik na uli sa magandang kalagayan ng ating ekonomiya.

Siyempre ang pinaka-wish niya ay ang pagkakaroon ng magandang kalusugan sa pamilya lalo na ang kanyang mahal na si Dolphy. Ipinagdarasal din ng singer-actress na sana’y kumita ang Markova na entry sa Metro Manila Film Festival dahil ginastusan ito para mapaganda ang proyekto.
Mansanas Sa Mesa, Napunta Lahat Sa Bag Ng Mag-Ina
Minsan ay naimbitahan para kumanta sa isang Christmas party ang magandang young singer. Habang naghihintay ito ng kanyang number na idinaos sa malawak na garden ng mayamang taga-gobyerno ay kumain muna ang singer sa dining room kasama ang kanyang ina. Dahil maaga pa at wala pa ang ibang guest celebrities ay panay ang tingin ng mag-ina sa malalaking mansanas at ubas sa mesa. Maya-maya ay kumuha ng isang mansanas ang singer at inilagay sa malaking bag ng kanyang ina. Sumunod ang ina na dumampot din ng mansanas.
Nakarami ng kuha ng mansanas ang mag-ina na inilagay sa kanilang bag habang ang kinakain lang ay ang ubas.

Ang magandang singer ay lumalabas din sa pelikula at in-demand ngayon sa mga shows sa loob at labas ng bansa, Isa rin itong sikat na recording artist ng isang malaking recording company.

Show comments