Pero may problema. Hindi pa nagagawa ang album cover. At mukhang pinapatigasan at pinapangatawanan ng kanyang manager at album producer, Ms. Nelia Lim, na kung hindi siya magpapa-slim, hindi niya ito ipipiktoryal. "Actually, it was not really a personal idea, galing ito sa mga fans ni JR mismo na nanood ng concert niya sa Joe-Kher Concert Hall last October and those who watched his concert at Licab, Nueva Ecija. Sabi nila, parang hindi aware si JR sa figure niya, kumbaga, ini-imagine nila yung Juan Rodrigo na ang dating sana ay kung hindi Ricky Martin, yung ala-Julio Iglesias man lang. And I think, you too, Arthur, thought of that, too, di ba?"
Katig ako sa sinasabi ni Nelia na para higit na makatawag-pansin bilang concert at recording artist si Juan, kailangan talaga siyang magpapayat nang konti. "I try to work out at mag-diet nang konti," sabi naman ni Juan bilang depensa, "medyo nagi-slim down na ako, kaya lang, hindi lang consistent. I mean, ang dami ko ring pinagkakaabalahan, gaya ng Saan Ka Man Naroroon at paminsan-minsan, TV guestings gaya sa Tabing Ilog, Flames, Kasangga, Katapat and others."
OPM at revivals ang nakapaloob sa first LP ni JR na self-titled at kasama rito ang kari-record lang niyang kanta sa isang pambihirang album ng mga awitin tungkol sa mga OFW o Overseas Filipino Workers. Ang inawit ni JR rito ay pinamagatang "Kabayan, Huwag Mag-alala", kung saan tumatalakay sa isang OFW na hindi makatulog sa pag-aalala niya sa kanyang pamilya sa Pilipinas.
"Damang-dama ko ang bawat titik ng kanta," pagtatapat ni Juan, "feeling ko, ako yung nagtatrabaho sa Saudi na kailangang magsumikap para buhayin nang masagana ang pamilya ko sa Pilipinas. Nagpapasalamat nga ako at nakasama ako rito sa "Awit Abroad" album project."
Kasama ni Juan sa proyektong ito ang ilang sikat na mang-aawit ng bansa at mga pambihirang bagong talino gaya nina Miriam Pantig, Richard Villanueva, Cindy Rosas, Jo Awayan, Aldoe Rubee, Kelly Grace Salcedo, Claudine Barretto, Nonoy Zuñiga at Nora Aunor.
"Lalong magiging honor sa akin ang pagkakasama ni Guy diyan," sabi ni JR. Mataas ang pagkilala at respeto ng aktor sa superstar. Nakasama na niya kasi ito sa ilang pelikula at isang stage play, Minsan Isang Gamugamo. Hindi kaya kapag ini-launch na ang "Awit Abroad" album, muling manariwa ang isang nakaraang romansa sa pagitan nilang dalawa noong stage play days nila?
Ngumiti lang ang aktor sa tinuran. "Matagal na yon," sabi niya, "ang tagal na ring hindi kami nagkikita ni Guy. I heard na papasukin na nga niya ang pulitika at kung hihingin niya ang tulong ko para sa pangangampanya niya, bakit hindi?"
Sa totoo lang, kung hihikayatin lang ni Nora si Juan na magbigay-kasiyahan sa libu-libong botante ng Camarines Sur, baka magulat siya sa iniunlad na ng tinig nito. Mas mataas na ang range ng voice ni JR ngayon, sa tulong ng kanyang mentor, Raffy Amaranto, na nagkataon, siyang lumapat ng musika ng sampung awitin na nakapaloob sa "Awit Abroad" na ipo-promote sa buong mundo.
"Kung minsan, hindi ko rin maisip kung bakit mula sa pagiging aktor, naging singer ako," pagninilay-nilay ni Juan. "Pero nagkaroon ako ng panibagong challenge sa buhay ko bilang artist. Kung tutuusin nga, hindi naman ako nag-start kumanta sa Pilipinas professionally kung hindi sa ibang bansa, di ba?"
Wala ngang kaalam-alam ang publiko na nakapagtanghal na sa Australia, Switzerland, Italy, Germany, Japan, France, Belgium at Israel ang aktor. Nagsimula lang ito sa imbitasyon sa kanya ng Pinoy community sa ibang bansa. At dahil hindi naman siya dadalaw lang para sabihing "Manood kayo ng susunod kong pelikula" o "Patuloy ninyong tangkilikin ang aking soap opera," kailangan siyang magbigay-aliw sa pamamagitan ng pagkanta. At sa mga paglalakbay-bansang ito niya, naisip na bakit nga ba hindi niya hasaing mabuti ang kanyang tinig? Di ba’t kumuha nga siya ng voice lessons?
"Singing has changed me for the better," kumpisal ni Juan. "Kasi, nagkakaroon ka rito ng ibayong self-confidence saka ibang klase ang discipline dito. On guard ka sa voice mo. You know what to drink to soothen your throat. Nakakatulong din yung pagkakaroon ng mga kaibigang singers. Nagkataon, I am surrounded by singers like Cindy Rosas, Aldoe Rubee, Kelly Grace Salcedo who support my singing career. Talagang sila yung naka-concentrate sa singing career nila."
Alaga kasi ni Nelia Lim ang mga nabanggit na recording artists. Parang pamilya nga ang turingan nila sa isa’t isa. Ayon sa manager ni JR, hindi pa gaanong bukas na aklat para sa mga kaibigang artists ni JR ang buhay niya. Halimbawa, nagulat na lang sila nang malaman nilang may anak na pala ito sa isang past girlfriend na nasa Amerika na ngayon at sa kasalukuyan ay may girlfriend na hindi naman ipinapakilala sa kanila.
"But I am not the kind of manager who will persuade my talent to open up his or her personal life, unless he or she voluntarily do so," sabi naman ni Nelia na gumaganap bilang kaibigan, kapatid, adviser, shock absorber, a shoulder to cry on, at iba pang papel sa kanyang mga talento.
Sa pagkakilala ko kay JR, isa siyang tahimik na tao na gustong maging pribado ang personal na buhay sa kabila ng katotohanang ang showbis ay mundo ng eskandalo at intriga. Inulan na nga siya ng maraming intriga habang binabagtas niya ang isang matagumpay na acting career at nitong huli nga, tinagurian na siyang "Father of Soap Operas" at "Drama King Television", pero mapagkumbaba pa rin siya sa pagsasabing, "Nakakahiya kay Christopher de Leon dahil sa kanya pa rin ang title na "Drama King."
Si CDL ang Drama King sa pelikula. Si JR sa telebisyon. Maliwanag ’yon, di ba?